Lalong lumalim ang pagkabwisit ni Digoy kay Gardo. Naghihinala siya na sinasadya nitong lagi na lampas ng isang oras o mahigit pa ang pagpapatunog sa batenteng sa pagreretiro sa hapon ng mga trabahador. Pero sa umaga’y masyado namang napakaaga. At doble itong maghigpit sa mga kabataang lalaking pinamamahalaan. Magaan pa ang kamay sa pagdisiplina sa mga nakagagawa ng kahit maliit na pagkakamali.
Pinagsasampal na, dinagukan pa ni Gardo ang binatilyong si Onyok na ‘di sadyang naibagsak ang binubuhat na kahong karton ng mga de-latang sardinas.
“’Yang katangahan, iniwan mo na dapat sa bahay n’yo,” singhal nito sa batang lalaki.
Si Onyok ang pinakamaliit at pinakabata sa lahat ng mga kabataang lalaki sa pabrika. Kung tutuusin, dapat sana ay nag-aaral pa at tinatamasa ang buhay ng isang karaniwang bata na nakapaglalaro at nakapamumuhay nang matiwasay.
Mabilis na pumagitna si Digoy upang payapain ang galit ni Gardo. Pero siya man ay inangasan nito, nandilat ang mga mata sa pagkukuyom ng kamao sa harap niya. Nagpanting ang kanyang punong-tenga. Kakasahan niya ito. Buti na lang at naroon si Mang Pilo na dali-daling umawat sa kanilang dalawa ng kababatang binata.
“Sipsip na, gago pa!” ang nasabi ni Digoy patungkol kay Gardo.
“Basta’t ‘wag mo na lang patulan,” ang pagkampi sa kanya ni Carmela.
Biglang lumamig ang ulo niya. At para nang pinataba ng dalaga ang kanyang puso.
Kung ilang ulit pa niyang ikinapundi ang pag-aasal ibong tagak ni Gardo sa kanilang mga kasamahan sa pabrika. At noong minsan, muntik-muntikan na silang magpang-abot nito sa kanilang barracks. Nagtimpi na lamang siya dahil pihong ito ang papanigan ng kanilang bisor sa kaguluhan na maaaring mangyari roon.
“Ano, gusto mo ulit magmumog ng dugo sa suntok ko?” ang pagmamaliit sa kanya ni Digoy.
Tinalikuran na lamang niya ang kahambugan ng binatang kaselosan kay Carmela.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia