Abala ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa kanyang nalalapit na laban sa Mayo 3 katunggali ang Amerikanong si Floyd Mayweather, ngunit hindi mangyayari ang laban na ito kung hindi dahil sa gabay ng kanilang Tito.
Ayon kay Manny, kung hindi dahil kay Sardo Dapidran, ang kanyang Tito, hindi niya mararating kung ano mang tagumpay meron siya ngayon. Si Mayweather naman, hinalinhan ng kanyang titong si Roger bilang coach at trainer dahil ang kanyang ama ay hindi niya nakapiling sa kabataan.
“Yung tito Sardo ni Manny talaga ang nagdala sa kanya sa boksing. Idolo niya yung mga bigatin tulad nila Muhammad Ali,” ani ni Buboy Villar, ang gumanap sa batang Manny sa “Kid Kulafu” nang tanungin tungkol kay Sardo (Cesar Montano).
Ilang linggo bago ang inaabangang laban ng buong mundo, ang ABS-CBN, Star Cinema at Ten17 Productions ay ihahandog ang “Kid Kulafu,” isang pelikula mula sa direksyon ni Paul Soriano na nagdodokumento kung paano nga ba ang buhay ng Pambansang Kamao noong kabataan niya.
Muntik na ngang di magkaroon ng Manny Pacquiao. Ang patpating bata mula sa Kibawe, Bukidnon ay walang pag-asa sa mga ibinato ng mundo sa kanya, hanggang sa nagsimula siyang magtibag ng puno ng saging mula sa pangbubuyo ng kanyang tito.
At diyan pumasok si Rod Nazario, ang pumanaw na patron ng boksing ay binigyan ng pagkakataon ang batang boksingero. Naniwala siya na may kakayanan si Pacquiao na tapatan ang mga karangalan nina Gabriel “Flash” Elorde, Luisito “Lindol” Espinosa at Pancho Villa.
Ngunit hindi niya inakala na hihigitan pa pala iyon at nagkampeon hindi lang sa isang dibisyon, ngunit sa walo.
“Marami pa tayong hindi alam tungkol kay Manny Pacquiao, kahit na sabihin pa nila na kilala na nila siya. Tinanong ko pa nga si Direk Paul kung nangyari ba talaga yung mga shinoo-shoot namin, at sabi niya oo. Makikita ito ng lahat sa “Kid Kulafu”,” sabi ni Villar.
Magbubukas ang “Kid Kulafu” sa mga sinehan sa Abril 15.