OBYUS na press release lang ng kampo ni Floyd Mayweather Jr nang sabihin nito noon na sisiw lang si Manny Pacquiao kung sakaling magkaharap sila sa ring.
Puro panakot lang ang sinasabi ng pamilya Floyd na titirisin lang ni Mayweather Jr si Pacman kapag naglaban sila.
At lalong papogi lang ni Floyd sa pahayag niya noon na wala si Pacquiao sa kanyang level kung kaya ayaw niya itong labanan.
Kahapon ay may lumabas na write-up sa kolum ng isang sikat na broadsheet sa bansa na may titulong “FLOYD DEFEAT WILL BE A TOTAL SHOCK.”
Ang titulong iyon ay pahayag mismo ni Floyd Mayweather Sr. sa isang interview tungkol sa posibleng mangyari sa bakbakang Manny at Floyd sa May 2.
Narito ang kompletong pahayag ni Floyd Sr. sa MLive.com sa katanungan kung sakaling matalo ang kanyang anak kay Pacman, “ It would shock the hell out of me. But you’ve got to live on, man.”
He-he-he. Mukhang si Floyd Sr. ay natataranta na rin sa isasagot. Dahil kung hindi naikasa ang laban at nainterbyu siya, tiyak na magyayabang ito at babarahin agad ang nag-interbyu. Tiyak na sasabihin nitong hindi matatalo ang kanyang anak at dudurugin lang nito ang Pinoy pug kung sakaling magkaharap sila sa ring.
Ngayong naikasa na ang laban—kasubuan na. Naiisip na niya ang kahihinatnan ng kanyang anak sa kamao ni Pacman.
0o0
Medyo nalungkot tayo nang mabalitaan natin sa kaibigan nating si Rolan, bayaw ng horseowner na si Arlene Chua na masama na ang naging kalagayan ng paa ng paborito nating kabayong PALAKPAKAN.
Kung natatandaan ninyo, napilay ito sa aktuwal na laban noong March 29 sa pista ng Metro Turf.
Ayon sa beterenaryo ni Palakpakan, malala ang naging injury ng kabayo at kailangang pagreteruhin na ito ng permanente. Pinayuhan nito ang owner na dapat nang dumaan sa “mercy killing” ang mapublikong kabayo para hindi na maghirap. Anyway, hindi na rin raw magtatagal ang buhay nito dahil sa malalang kalagayan.
Karaniwan nang binabaril sa ulo ang kabayo kapag naghihirap na ito. Pero mukhang hindi pumayag ang horseowner nitong si Mr. Chua at sinabi nitong payag siyang pagpahingahin ang nasabing kabayo sa pamamagitan ng lethal injection. Sa ganoong paraan ay hindi maging brutal ang pagkamatay ng napamahal na sa kanyang kabayo.
At bago ilibing si Palakpakan—hayaan ninyong bigyan ko siya ng isang masigabong palakpakan para sa kanyang ibinahaging kasaysayan sa local racing.
0o0
Marami nang racing aficionados ang asar dito sa tiyempistang si PALOS. Isa na rito ang kaibigan nating si Mar.
Bakit daw puro SOLO ang ibinibigay nitong tips sa publiko sa tuwing ibinabahagi ng host ng Sta Ana ang mga tips ng mga tiyempista.
Para raw alam na alam nito ang karera. Pero kalimitan ay talo naman daw ang solo nitong tips.
Komento pa nitong kaibigan nating si Mar na hindi raw nakakatulong sa mananaya ang tips ni Palos, nakakaperwisyo pa raw.
Doon nga sa tinatayaan nating offtrack betting station sa may Banana Island—may nagkomento doon na beterano nang mananaya na bago lang daw itong si Palos sa industriya ng karera pero nagmarunong na agad.
May tip tuloy sa kanya ang beteranong mananaya: Siguruhin mo lang ang solo mong tips na mananalo. Kung hindi, magtatlo ka o mag-apat. Mahirap nang napapahiya parati.
ni Alex L. Cruz