ni James Ty III
OPISYAL na nagsanib-puwersa ang koponang Cagayan Valley at ang sikat na restaurant na Gerry’s Grill para sa kabuuan ng PBA D League Foundation Cup.
Magiging Cagayan-Gerry’s ang pangalan ng koponan na may isang panalo at isang talo sa team standings ng torneo.
“We are supporting Cagayan because we see a lot of potential in this team,” wika ng sports marketing head ng Gerry’s Grill na si Jerome Ngo sa media launch ng koponan kahapon sa Quezon City. “We’re taking things one at a time. And we are marking this launch at a time when we have 75 branches nationwide and five branches worldwide.”
Kagagaling ng Rising Suns sa masakit na 107-106 na pagkatalo kontra MP Hotel noong Huwebes.
May kartang 1-1 ang Cagayan-Gerry’s sa Foundation Cup.
“Our loss was a humbling experience for us,” ayon sa pambatong guwardiya ng Cagayan-Gerry’s na si Abel Galliguez. “It opened our eyes kasi our offense was stagnant di tulad nang dati na we relied a lot on Moala (Tautuaa). Kailangang mag-adjust kami. We have to make more defensive stops and extra passes.”
Dinala ni Tautuaa ang Cagayan sa finals ng Aspirants Cup noong Pebrero ngunit natalo ang Rising Suns kontra Hapee Toothpaste.
Pagkatapos ng torneo ay umalis si Tautuaa sa Cagayan at lumipat siya sa Cebuana Lhuillier na lider sa standings ngayon na may tatlong sunod na panalo.
“Hindi naming pinigilan si Moala na umalis dahil gusto talaga niyang umalis. Pero sanay na kaming manalo kahit wala siya kasi noong last conference, nanalo kami ng tatlong laro kahit wala siya,” ani Rising Suns assistant coach Nonoy Bonleon.