Pinagpahinga muna sa barracks ni Mang Pilo ang lahat ng mga kabataan.
“Bukas ng umaga, isa-isa kayong tuturuan ng magiging trabaho n’yo rito. Sige, magrelaks muna kayo,” ani Mang Pilo.
Isinama ni Aling Adela sa isang barracks ang mga kababaihan. Inihatid ng tingin ni Digoy si Carmela. At para sa kanya, si Carmela ay mistulang katakam-takam na manibalang na mangga sa pagdadalaga.
Sa katapat na barracks naman inihatid ni Mang Pilo ang mga kabataang lalaki. Napansin ni Digoy na nagsatila-maamong tupa si Gardo. Nawala ang kakulitan nito at pormang mayabang.
Sa barracks ng mga kababaihan, sama-sama ang lahat sa iisang lugar na tulugan at kainan. Doo’y may kumon na CR at paliguan. Gayundin ang mga kalalakihan sa kabilang barracks. At namahinga roon sina Digoy, Gardo at iba pang kabataang lalaki na tipong sipunin pa. Sa isip ni Digoy, pihong namamahinga rin muna si Carmela at ang mga kabataang babae pulos mukhang bago-bago pa lang dinaratnan ng buwanang dalaw.
Tumunog ang batenteng sa dalawang barracks. Hudyat iyon upang magsiparoon sa loob ng gusali sina Digoy, Carmela, Gardo at iba pa. Sa loob niyon, iba’t ibang klase ng malalaking makina ang nakainstala. Masasangsang ang amoy ng lansa ng isda sa paligid.
“Magaan ang mga gawain dito, sipag at tiyaga lang ang kailangan,” ang introduksiyon ng mga pangungusap ni Mang Pilo.
Pagawaan pala ng de-latang sardinas ang gusali. Ipinakita at ipinaliwanag ni Mang Pilo ang gamit at kaukulan ng mga makinang naroroon na pinatatakbo ng ge-nerator na pang-heavy duty.
“’Yan ang grading machine, ang makinang nagbubukod-bukod sa mga isdang may tamang laki at sa mga maliliit o sobra ang sukat. At pagkaraa’y isasalin sa conveyor ang mga isda pinagbukod-bukod upang dadalhin naman sa storage… (Itutuloy)
ni Rey Atalia