MASAMA ANG SITWASYON NI CHEENA SA HONG KONG
“Ayoko n’yan… Ayokooo!” ang pagkalakas-lakas na sigaw niya.
Niyugyog siya sa balikat ng Kuya Dandoy niya.
“Nananaginip ka, ‘Tol…” tapik nito sa kanyang pisngi.
“P-pangit na panaginip…” bulong niya sa sarili.
Tumunog ang cellphone ni Yoyong. Sinagot niya iyon. Nanay ni Cheena ang nasa kabilang dulo ng telepono. Naulinigan niyang umiiyak na ito.
“Tumawag sa akin kagabi ang isang OFW sa Hong Kong na kakilala ni Cheena… Humi-hingi ng tulong sa kanya ang anak ko na pinagtangkaan daw reypin ng kapatid ng amo…” si Aling Estela, garalgal ang tinig.
Natigagal ang binata.
“Pero mula raw nang makausap niya si Cheena nu’n pang nakaraang linggo ay hindi na niya makontak ang cellphone nito… Diyoskupu, ‘Yong! B-baka kung ano na ang nangyari sa anak ko,” paghihisterikal ng ina ni Cheena.
Nagsatila-estatuwa si Yoyong sa pagkakaupo sa silya ng mesang kainan ng pamilya ng kanyang Kuya Dandoy. Hindi na niya nagawang inumin ang tinimplang kape para sa sarili. Naapektohan siya ng balitang iyon na nagpayanig sa buo niyang pagkatao.
Mabigat ang dibdib niyang pumasok sa trabaho.
“Wala ka yata sa kondisyon, ‘Yong,” puna sa kanya ng isang kasamahang mekaniko sa talyer ng kompanya ng taksing pinaglilingkuran niya.
“H-hindi kasi maganda ang pakiramdam ko, e,” ang naikatuwiran niya.
“Aba’y magpahinga ka muna… Baka mamaya, e madisgrasya ka sa pagtatrabao o kung mapa’no ka,” payo ng mekanikong mas may edad sa kanya.
Nag-halfday lang si Yoyong sa trabaho. Laman ng diwa niya sa halos buong maghapon ang kasintahan na nangibang-bayan.
Hindi na ulit siya lumabas ng bahay. Nag-higa-higa na lang siya sa sariling silid tulugan habang nakikinig ng mga kanta sa cellphone na ipinuwesto niya sa gawing uluhan.
Kumakain na ng hapunan ang buong mag-anak ng kanyang Kuya Dandoy nang lumabas siya ng silid. Nakabukas ang telebisyon na nasa isang sulok ng kabahayan. Oras iyon para sa paghahatid ng balita ng mga estasyon ng tele-bisyon.
Na-pokus ang atensiyon niya sa newscaster na nasa kalagitnaan na ang isinasagawang pagre-report. (Itutuloy)
ni Rey Atalia