REGULAR ANG KOMUNIKASYON NILA NOONG UNA PERO NAG-ALALA SI YOYONG NANG HULI
“Nag-iipon-ipon na ako para ‘pag tinanggap mo ang alok kong pagpapaksal natin sa iyong pagbabalik ay maihanda ko ang lahat,” nasabi ni Yoyong kay Cheena nang magkausap sila minsan sa cellphone.
“Parang gusto ko nang umuwi agad-agad, a,” tawa ni Cheena, nasa tinig ang kasiyahan.
Sa simula, dalawang beses kung makatanggap ng tawag sa cellphone si Yoyong mula kay Cheena. Ibinabalita nito ang mga bagong karanasan sa Hong Kong. Naibibida rin pati mga lugar na napupuntahan doon, pati mga gawain sa pagiging isang DH sa pamilyang Cantonese na pinagli-lingkuran. Nakapagpapadala pa ng larawan sa kanyang FB account. Nang magtagal ay naging buwanan na lamang ang pa-kikipagkomunikasyon sa kanya ng nobya. Nauunawaan naman niya ang mga posibleng dahilan niyon: kaabalahan sa mga gawain at malaking gastos sa prepaid card para sa telepono.
Pagkaraan ng ilang buwan ay biglang-biglang naputol ang kanilang komunikasyon ni Cheena.
“Sa amin man ay ‘di siya nakatatawag. Nag-aalala nga rin kami sa batang ‘yun, e,” ang nasabi sa kanya ng nababahalang ina ng dalaga.
“A-ano po kaya ang dahilan? May nabanggit po ba siyang problema sa kanyang mga amo?” usisa niya.
“W-wala naman…”ang tugon ng nanay ng kanyang nobya. “Ang nabanggit lang ng anak ko noon, e, mahigpit na nagkakagusto sa kanya ang binatang kapatid ng kanyang amo.”
“’Yun po kaya ang posibleng dahilan?” naidugtong niya.
Natigilan ang ina ni Cheena.
Nagdulot kay Yoyong ng labis na pagkabalisa ang kawalan ng anumang ba-lita tungkol sa kalagayan ng kanyang nobya sa Hong Kong. (Itutuloy)
ni Rey Atalia