BINAWIAN ng buhay ang isang dating radio anchor at ngayo’y administrative officer ng Abra Prosecutor’s Office makaraan pagbabarilin sa Zone 5, Bangued, Abra kamakalawa ng gabi .
Kinilala ang biktimang si Jack Porqueza, dating anchorman ng DZPA sa Abra.
Ayon kay Abra Provincial Director Sr. Supt. Virgilio Laya, sakay ang biktima ng motorsiklo nang tambangan ng hindi nakikilalang mga suspek sa nabanggit na lugar dakong 6:45 p.m.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa likod ng pamamaslang.
Dating manunulat ng Abra Today si Porqueza at dati rin correspondent ng Manila Bulletin.
Bago siya manungkulan bilang administrative officer, nagsilbi siya bilang Public Information Officer (PIO) ni dating Abra Governor Vicsyb Valera noong 2000.
(BETH JULIAN)