MAY mga bagay na sadyang hindi maatim ninuman na pikit-matang hayaan na lang na manatili o magpatuloy lalo na kapag direktang umaapekto sa ating pamumuhay. Mas lalo na, sigurado ako d’yan, kapag ang bulsa at tiyan na natin ang apektado.
***
Ito ang dahilan kung bakit sa aking kaloob-looban ay sinusuportahan ko ang kasalukuyang programa ni ex-Senator Kiko Pangilinan at ng pamunuan ng NFA na tugisin ang mga mapagsamantala nating kababayan na kumita lang binabalewala na ang kapakanan ng karamihan. Ang tinutukoy ko po ang mga gawain na direktang umaapekto sa ating pangunahing bilihin – ang bigas. Hoarding man ito o abnormal na pagtaas ng presyo, ito ay dapat matigil.
***
Matagal na panahon na rin ang korupsyon sa ahensyang ito ng gobyerno. Pero dahil nakamasid ang sambayan sa kalakaran sa loob ng NFA, unti-unting nababawasan ang mga di-masikmurang gawain na kadalasan ay nagkukutsabahan ang mga ganid na rice traders at mga corrupt na kawani ng ahensyang ito. Mayroon ngang nagsumbong sa akin na para ka raw makakuha ng dagdag na sako ng bigas, ang kinakailangan mo lang ay kausapin ang isang tao sa loob at magbayad ng dagdag na P200 kada sako at kaya mo nang mag-withdraw ng 150 sacks of rice at piling bigas pa ang ibibigay sa iyo. Ang mga ganid naman na rice traders ay ibebenta ito sa 42/kilo. Nakapanggigil dahil maliliit nating mga kababayan ang pinagsasamantalahan nila!
Pero ako ay natuwa dahil mayroon tayong bagong NFA administrator na nangako na lilinisin n’ya ang NFA. Napakingan ko ito sa programa ni Ted Failon. Kakilala ko po ‘yan. Pangalawa nand’yan din si Secretary Pangilinan na personal na nakikialam na linisin ang nsabing opisina.
***
Bakit nga ba namimihasa ang mga corrupt at mapagsamantalang tao sa loob nang matagal na panahon.
Sa bandang akin, ito ay dahil hindi tayo nakikialam sa mga gawain ng gobyerno at iba pang ahensya. Pero kapag tinutukan pala ng taong bayan nawawala rin ang mga salot sa ating lipunan.
***
Kaya’t meron akong panawagan na ipagpatuloy natin ang ganitong vigilance. Ito ang dapat sa isang demokrasya. Tao ang dapat na may malaking halaga, hindi ang bulsa ng iilan. Ano ang maaari natin gawin. Una, magtayo tayo ng grupo na makikialam sa maayos na distribution ng NFA rice. Pangalawa, alamin natin kung saan ang mga designated na bodega ng NFA at makipagtulungan tayo sa kanila para hindi sila matuksong gumawa ng mali. Ako po ay naniniwala na kapag may mga mata at taingang nakabantay sa kanila tingin ko ay hindi nila susubukang gumawa ng masama. Pangatlo, gamitin natin ang opisina ni Secretary Pangilinan at ang kapangyarihan ng media para protektahan natin ang bigas para sa mga mamamayang maralita. Pang-apat, kayong mga laborer ng mga traders at ng NFA tumulong kayong maibulgar natin ito. Huwag kayong manghinayang sa kapirangot na kitang ibinibigay sa inyo ng mga taong kasangkot dito. Isumbong ninyo sila. Gamitin n’yo ang kapangyarihan ng txt para matulungan n’yo ang ating mga maralitang kababayan at ang ating bansa. Panglima, subukan ninyong gamitin ang kapangyarihan ng batas. Huwag kayong mawawalan ng tiwala sa kapangyarihan ng batas at hustisya. Mag-file kayo ng kaso. Nand’yan ang opisina ng Ombudsman at ng DOJ. Gamitin natin ang mga nasabing pasilidad para tumaas ang tiwala ng tao sa gobyerno. Dapat nating tandaan na nagkakaroon ng kahulugan ang buhay natin kapag mayroon tayong ginagawang tama. Kaya kapag alam nating tama, ipaglaban natin.
Isa lamang ito sa mga ehemplo kung paano tayo makatutulong sa pagpapatatag ng gobyerno natin. Kailangan natin makiisa sa panawagang pagbabago ng NFA. Kung walang tutulong sa atin, tingin n’yo magtatagumpay ba ang hangarin ng pamunuan ng NFA na pagbabago? Kung walang mangyayaring pagbabago, papayag ba ang mga mamamayan? Remember, ang problema sa bigas ay isang tahimik na banta sa seguridad ng ating bansa!
Gerry Zamudio