NAGTAGUMPAY ang Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) sa halos tatlong taon nang kampanya para mapansin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang reklamo sa mga kompanyang nagmimina sa mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa Zambales.
Sinuspinde na kasi ni Region 3 Environmental Management Bureau (EMB) Director Normelyn Claudio ang hauling operations ng Benguet Nickel Mineral, Inc., (BNMI) at Eramen Minerals Inc., (EMI) nitong Hunyo 9 dahil sa patuloy na pagsira ng mga kompanyang ito sa kapaligiran, buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ng Zambales.
Ayon nga kay CCOS Director Dr. Benito Molino, matagal na nilang inirereklamo sa DENR/EMB ang pagkasira ng mahigit 300 ektarya ng sakahan at 200 ektarya ng palisdaan, pagbaba ng ani mga magsasaka sa 70 kaban kada ektarya mula sa dating 100 kaban at pagbaba ng produksiyon ng pinakamasarap na mangga sa buong mundo na matatagpuan lamang sa Hilagang Zambales.
Sinisi rin ng CCOS ang mga minero sa pagkasira ng halos lahat sapa at ilog sa Sta. Cruz, pagkawasak ng dalampasigan, pagbagsak ng huli ng mga mangingisda sa dagat, pagkawala ng mga isda at iba pang yamang tubig sa mga sapa at ilog, pagkasira ng mga kalsada, pagkakasakit ng mga tao sanhi ng polusyon tulad ng ubo, sipon, hika, sarisaring allergy at marami pang iba.
Sabi ni Dr. Molino: “Malugod naming tinatanggap ang pagsuspinde sa operasyon ng BNMI at EMI dahil napatunayan natin sa mamamayan na mayroon silang magagawa laban sa mapanirang pagmimina at matagal na silang niloloko ng mga lokal na opisyal mula sa kagawad ng barangay hanggang alkalde at ng mga minero sa pagpapaniwala sa kanila na kahit maperhuwisyo sila ay walang magagawa laban sa pagmimina dahil ang permit ay galing sa pambansang gobyerno.”
Matagal pa ang magiging laban ng CCOS at ng mga mamamayan ng Zambales dahil may pitong kompanya pa rin na nagmimina ng nickel sa bayan ng Sta. Cruz at black sand sa Candelaria. May nagmimina rin ng black sand sa Botolan, Cabangan, San Felipe at iba pang bayan.
Paano ba ‘yan DENR Secretary Ramon Paje at Mines & Geosciences Bureau (MGB) National Director Leo Jasareno? Bakit ba binigyan ninyo ng permisong magmina ang mga iresponsableng kompanyang ito? Ang dating magaganda’t sementadong kalsada ng Brgys. Guisguis, Canaynayan, Guinabon, Bangcol, Biay, Bolitoc, Lipay, Lucapon North, Lucapon South, Bayto, Poblacion North, Poblacion South atbp., ay pulos may mga lamat at butas-butas na? Maalikabok kapag tuyo ang mga kalsada pero kapag inulan o basa naman ay puno ng putik.
Nakapanghihinayang din na winasak ng nickel laterite o pulang latak ng pinaghalong putik at tubig sanhi ng pagmimina hindi lamang ang mga ilog, sakahan at palaisdaan kundi maging ang magandang Pinmayong at Baloc-Baloc Falls sa Brgys. Tubo-Tubo Norte at Sur. Paano pa ang mga namatay na korales at ang nawasak na dalampasigan?
Malaki ang pananagutan ng opisyales ng DENR at ng mga kompanyang nagmimina sa buong Zambales sa walang habas na pagwasak sa kapaligiran. Kahit mangako sila ng rehabilitasyon, hindi na maibabalik ang gawak at lawak ng winasak ng mga kompanyang nagmimina sa lalawigan. Tanging sa pagkakaisa ng mga mamamayan mapuputol ang kasakiman ng iilang nakikinabang sa iresponsableng pagmimina sa dating napakaganda at masarap pasyalang Zambales.
Ariel Dim Bolongan