HINDI na makapaghintay si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa inaasahan niyang pagdeklara ng Korte Suprema na siya’y diskuwalipikadong kandidato at dapat nang lumayas sa Manila City Hall.
Kabilang sa ikinasang plano ng kanyang kampo ay magpakalat ng mga maling impormasyon ng kanilang mga bayarang mamamahayag upang ikondisyon ang isip ng publiko na walang nilabag na batas si Erap sa kanyang pag-kandidato at kaya siya may disqualification case ay bunsod lang ng politika.
Bukod sa disqualification case, gusto rin ni Erap na ilusot ang kanyang anak na si Sen. Jinggoy Estrada sa tiyak na pagkakakulong sa kasong pandarambong kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
IPINAGLIHI BA SA ASO
SI DICK PASCUAL?
MAGBALIK-TANAW lang tayo, sa kanyang column na Postcript sa Philippine Star noong Abril 19, 2001, tinalakay ni Federico Pascual ang mga posibilidad sa pagkaantala ng pagsampa ng Ombudsman ng kasong plunder at iba pang kaso laban kay Estrada sa Sandiganbayan kaya hindi pa mailabas ng Sandiganbayan ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sabi pa ni Pascual, marami ang nagdududa na baka may lihim na negosasyon at kasunduan sa pagitan ng kampo ni Erap at ng administrasyong Arroyo.
“It seems we have not learned from the lost Marcos cases. Here is a golden opportunity to make up for our past mistakes and resurrect this nation, but we are dissipating our options. Nobody cares anymore?” giit niya.
“The moment we let go this big fish already in the net, this nation will shatter to pieces. Then we would see a real exodus, of Filipinos emigrating in droves. Then our kababayan abroad would be ashamed to say they are Filipinos, and those stuck here would feel stripped of their national pride and purpose,” sabi niya hinggil sa delay sa pagdakip kay Erap.
Matapos ang 13 taon, tila nagka-amnesia si Pascual sa kanyang Posctript column kahapon na “Will SC strip Estrada of his political rights?” parang bigla siyang naging abogado ni Erap na nagtatanggol para manatiling alkalde ng Maynila.
Bakit iba na ang paniwala nii Pascual ngayon kompara noon bilang apologist ni GMA laban kay Erap?
Akala ko ba ay aso lang ang kumakain ng kanyang isinuka?
ERAP, TUMAKBO SA MAYNILA
PERO HINDI PALA KANDIDATO
PINAPAYUHAN natin na basahin muna ng mga bayarang kulam-nista ng kampo ni Erap ang Revised Penal Code bago sila magkomentaryo at magmagaling tungkol sa conditional pardon para hindi sila magmukhang mangmang sa batas.
Tulad halimbawa sa Section Two, Article 36 ay nakasaad: “A pardon shall not work the restoration of the right to hold public office, or the right of suffrage, unless such rights be expressly restored by the terms of the pardon.”
Sa kaso ni Erap na reclusion perpetua ang hatol sa kanya ng Sandiganbayan, ang sabi sa Section Three, Article 41, “The penalties of reclusion perpetua and reclusion temporal shall carry with them that of civil interdiction for life or during the period of the sentence as the case may be, and that of perpetual absolute disqualification which the offender shall suffer even though pardoned as to the principal penalty, unless the same shall have been expressly remitted in the pardon.”
Ang ibig sabihin ng banggit na expressly restored/ expressly remitted, dapat ay malinaw na nakasaad o nakasulat nang letra por letra sa pardon na kasamang ibinabalik ang karapatan na makatakbo sa eleksiyon.
‘Yan ang dahilan kung bakit diniskuwalipika ng Comelec si Romeo Jalosjos at hindi pinayagang makatakbo sa 2013 elections pero ang nakapagtataka ay kung bakit pinayagan si Erap.
‘Yan din ang dahilan kung bakit idinulog sa Korte Suprema ang disqualification case laban kay Erap, para liwanagin ang batas kung bakit si Jalosjos ay diniskuwalipika ng Comelec pero pinayagan si Erap na makatakbo sa magkaparehong kaso.
Matatandaan na noong Pebreo 25, 2008 ay inilinaw ni dating Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor na ngayo’y Director General ng Intellectual Property Office of the Philippine (IPOPHL) ang tamang kahulugan na nakapaloob sa conditional pardon ni Erap.
Sabi ni Blancaflor, “Hindi naman puwedeng abusuhin ni Erap ang ibinalik sa kanyang civil at political rights tulad ng freedom of expression dahil mayroong limitasyon na hindi dapat lumabag sa framework ng batas. Ang naibalik sa kanya ay maka-boto pero hindi siya puwedeng tumakbo kaya nananatiling conditional pardon na puwedeng bawiin kapag may nilabag siya.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
Percy Lapid