Monday , December 23 2024

Pres. Obama ayaw makaharap si Erap

TULAD nang inaasahan, walang itinakdang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Gat Jose Rizal kay US President Barack Obama sa dalawang araw na pagbisita niya sa bansa, simula ngayon.

Kahit pa nga tradisyon ito para sa mga bisitang world leader, hindi masisikmura ng mga Amerikano na ang isang napatalsik na pangulo at sentensiyadong mandarambong ay makaharap at makahalubilo ni Obama at ng mga Kano sa Luneta.

Maging si US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ay wala rin kasamang opisyal ng lungsod ng Maynila nang mag-alay siya ng bulaklak at magbigay-pugay sa Bantayog ni Rizal noong Disyembre 2, 2013.

Ito ang mga nakita nating dahilan para mag-ingat si Uncle Sam kay Erap:

Una, hanggang ngayon ay wanted siya sa espionage case sa US mula pa noong 2005, na nakulong at nahatulan ang Fil-Am at dating FBI analyst na si Leandro Aragoncillo at dating police colonel Michael Ray Aquino; at

Pangalawa, kasama rin si Erap sa sinampahan ng kaso ng magkakapatid na Dacer sa US para magbayad ng danyos sa pagdukot at pagpatay sa tatay nilang si PR man na si Bubby Dacer.

Tayo lang naman mga Pinoy talaga ang mahilig tumangkilik sa mga corrupt na napatunayang nagkasala sa batas at sa bayan na sa ibang bansa ay kinasusuklaman at pinandidirihan ng lipunan.

Pati tuloy tradisyon at sibilisasyon ay nakokompormiso hangga’t ang mga walanghiyang politiko ay ibinoboto pa rin dito sa atin imbes ibasura.

Sabi nga ng bayaning manunulat at makatang si Francisco Baltazar sa kanyang obrang Florante at Laura:

“Nguni’t ang lilo’t masasamang loob,

Sa trono ng puri ay iniluluklok,

At sa baling sukab na may asal-hayop,

Mabangong insenso ang isinusuob.”

PAG-EPAL NI ERAP

SA HK, BALEWALA

WALANG kinalaman sa pagtanggap ng mga pamilya ng 2010 Luneta hostage crisis victims ng “sorrowful regeret” at compensation mula sa administrasyong Aquino ang pagbaba nila ng security travel alert ng Hong Kong sa Pilipinas.

Ito ang tahasang sinabi ni Hong Kong Secretary for Security Lai Tung-kwok bunsod ng pasya ng kanilang pamahalaan na ibaba ang alert level sa amber (mga banta ng panganib) mula sa black (severe threat).

Giit ni Lai, base sa pag-monitor ng Hong Kong sa sitwasyon sa Pilipinas, napuna nila na nag-improve ito sa aspeto ng kaligtasan.

Kaya  sorry na lang kay Erap dahil lumalabas na balewala naman sa Hong Kong government ang pag-epal niya sa 2010 Luneta hostage crisis.

Kahit santambak pa ang ipinamudmod niyang pera para sa publisidad sa biyahe niya sa Hong Kong, hindi pala ang hostage crisis issue ang ginawang barometro sa kaligtasan ng mga turistang taga-Hong Kong sa ating bansa.

Kung may dahilan para magdiwang si Erap sa paggamit niya sa hostage crisis issue, ito’y sa aspetong pinansiyal, hindi naman kasi siya obligadong ideklara ang perang nakolekta sa mga negosyanteng Tsinoy para ipambayad  sa mga pamilya ng biktima.

May nilagdaan si Secretary to the Cabinet Rene Almendras na non-disclosure agreement sa mga pamilya ng mga biktima kaya’t hindi maaaring isapubliko ang halaga ng tinanggap nilang compensation mula sa pangkat ni Erap.

Sakaling totoo na ang negosyanteng si Enrique Razon pa lang ay nagbigay na ng P200-M, at marami pang mga negosyante at organisasyon ang nag-ambag din sa compensation, sigurado tayong humahalakhak patungong banko si Erap.

Sapat na nagamit niya ang gobyerno ng ‘Pinas at Hong Kong para pagkakitaan.

Pero paano ba dinala at ipinasok sa Hong Kong ang pera? Idineklara ba ito at ibinayad ng kaukulang buwis para mailabas ng bansa?

SINASABOTAHE, BINABABOY

ANG PORK BARREL SCAM ISSUE

BIBILIB lang tayo kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales kapag sa lalong madaling panahon ay naisampa niya ang kaso sa Sandiganbayan laban sa mga tumampalasan sa pera ng taong bayan.

Tutal naman ay kombinsido rin siya, gaya ng milyon-milyong Pilipino, na sapat ang mga hawak nilang ebidensiya para masimulan na ang paglilitis.

Ito’y upang mawakasan na rin ang ano mang pakana ng mga akusado na makaligtas sa bilangguan at magamit pa ang mga nakulimbat nilang pera para lituhin ang taong bayan.

Huwag nang hintayin pa ni Morales na muling dumagsa sa kalsada ang mga mamamayang suyang-suya na sa mga katiwalian.

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *