ni Art T. Tapalla
EWAN kung ano ang kahihinatnan sa ginawang pagbubulgar ni katotong Jobert Sucaldito sa ‘bentahan ng boto’ sa katatapos na 30th Star Awards for Movies ng PMPC.
Dahil walang nag-react sa mga pinatungkulang 22 voting members ng ‘gererong’ si Jobert, na kanyang ‘pinakimkiman’ para siguraduhin ang Best Actor at Best Actress trophy ng kanyang kliyenteng sina ER Ejercito at KC Concepcion, para sa pelikulang “Shoot to Kill: Boy Golden,” tila hahayaan nalang mamatay na kusa ang nasabing sunog.
Kung anuman ang maging resulta sa nasabing pagbubulgar na parang ‘supot’ na rebentador, para sa amin, ang dapat tanghaling Best Actress at Best Actor ay sina Vilma Santos at Joel Torre, respectively.
Kung tutuusin, walang kalaban ang Star for All Seasons sa kanyang effortless na pagganap sa pelikulang “Ekstra” ni Jeffrey Jeturian. At lalong walang tututol kung si Joel Torre ang hiranging Best Actor para sa kanyang sterling performance sa Erik Matti’s film, “On the Job.”
Kaya lang, dahil ‘nabulag’ ang maraming katoto sa kinang ng salapi, iba ang kanilang pinili.
Tuluyan nang nawalan ng kredibilidad ang halos lahat ng mga award-giving bodies dahil sa mga kalakarang ganito.
‘DI ISSUE ANG PATUTSADA NI MARIAN KAY HEART
Ano ka ba naman katotong Alex Brosas. Pati ba ang mga patutsada ni Marianingning ay pinapatulan mo pa? Pag-aaksya lang ng espasyo ang iyong ginagawa, hane.
Hindi naman ka-level ng dyowa ni Dingdong Dantes ang sweetheart ni Chiz Escudero, sa maraming litaw na kadahilanan.
Diyuskonaman, kung kelan nag-llebo tres si Marianingning, saka pa siya nagpa-pictorial nang kontodo sexy at talagang very provocative, huh!
Any takers?
Kung inaakala ni Marian Rivera na aangat ang brilyo ng kanyang star status, ewan ko.
Dapat sigurong itanong sa mga paru-paro sa parang para malaman natin ang kasagutan.
“DEKADA ‘70″ SA TANGHALAN
Masaya ako sa balitang nakarating sa atin na si katotong Frank G. Rivera at si Lualhati Bautista ay magtutuwang para sa pagsasadula ng “Dekada ’70″, na magkakaroon ng world premiere sa buwan ng Setyembre, itatataon para sa anibersaryo ng Martial Law.
“Excited ako sa ‘Dekada ‘70’, dahil dito sa panahong ito ako nagkaroon ng maraming karanasan bilang isang manggagawang pangkultura,” ani FGR.
At meron ding grupo na humihiling kay Frank na isulat ang isang musical-play tungkol sa buhay ni Bishop Verzosa ng Ilocos/Miracle of Roses of Lipa.
Magandang therapy ang nasabing mga proyekto para sa lubusang pagpapalakas ni Frank. Gogogo!
SALAMAT SA TIWALA!
Nagpapasalamat ang buong samahan ng Alyansa ng Mamamayan ng Bagbag (ALMABA) sa kanilang pagboto upang maging kasapi ng Quezon City Development Council (QCDC) (urban poor representative) ni Mrs. Marilyn Pedrosa-Maluping.
Ganoon din si Daniel Oro, kapatid ng broadcaster Gani Oro, na nagwaging kinatawan ng Homeowners Association sa QCDC, na kapwa nagmula sa Barangay Bagbag, Kyusi.
PAALAM, TATAY PINONG….
Nakikiramay kami sa mga inulila ni AGRIPINO DELA CRUZ CASABA, SR., 76, (July 10, 1937-March 13, 2014). Inulila ni Tatay Pinong, lider manggagawa ng Manila Paper Mills, Inc., ang kanyang butihing asawang si Nanay Lucia, mga anak na sina Lilia, Evelyn, Theresa, Nenita, Elena, Gina, Jojo, mga apo, mga manugang, mga kaanak.
Nakahimlay ang labi ni Tatay Pinong sa kapil-ya ng Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, sa Zabarte Road, Caloocan City.
Si Tatay Pinong, ang pinaghalawan ng ka-rakter ni Ka Dencio, sa “Sister Stella L.” ni Mike de Leon. Ilang gabi rin nakitulog sa bahay nila Nanay Lucy si Rody Vera, isa sa mga sumulat ng screenplay ng pelikula ng Regal Films, para alamin ang kalagayan ng mga manggagawa.
Wala pang tiyak na petsa sa paghahatid sa huling hantungan ni Tatay Pinong, sa Forest Park Memorial, Zabarte, Caloocan.