Monday , December 23 2024

Ikaw Lamang, parang pelikula sa ganda!

031214 ikaw lamang cast

ni  Reggee Bonoan

SAYANG at hindi namin nakita si Direk Malu Sevilla sa nakaraang Celebrity Screening ng Ikaw Lamang na ginanap sa Trinoma Cinema 7 noong Linggo para mabati at makausap tungkol sa napakagandang serye nina Coco Martin, Jake Cuenca, Julia Montes, at Kim Chiu.

Kaya habang tinitipa namin ito kahapon ay tinext namin kung first time bang gumawa ni direk Malu ng period serye dahil napakagaling niya. Kadalasan kasing nagkakaroon ng ganitong proyekto ay masasabing mga beteranong direktor na.

Nagsimula kasi si direk Malu sa isang youth oriented show na Tabing Ilog na sinundan ng ilang light drama at heavy series, sitcom (Toda Max) hanggang nag-fantaserye siya, ang Juan de la Cruz.

Kadalasan nga ay si direk Malu ang nagpa-pilot ng mga serye ng unit ni Sir Deo T. Endrinal hanggang sa naging Dreamscape Entertainment na ang pangalan nito.

At base nga sa sagot ni direk Malu sa amin kahapon, “first time sa period serye po, we shot in Negros and Batangas. So blessed to be working with a very prolific design team, sir Manny Morfe as Production Design, sir Eric Pineda for costumes and sir Ruben Nazareth for hair/make-up.”

Nakatataka lang dahil hanggang ngayon ay ayaw magdirehe ni direk Malu ng pelikula at tanda naming katwiran niya rati, “feeling ko, hindi ko pa gamay, parang mas nag-e-enjoy pa ako sa TV.”

Sabagay, kung sa TV, mas malaki ang kita kompara sa pelikula, tama ba ateng Maricris?

Anyway, marahil kung hindi kami taga-showbiz at ordinaryong manonood lang ako ay iisipin naming pelikula ang seryeng Ikaw Lamang dahil ang ganda ng simula ng kuwento na ipinakita ang buhay ng mayayaman noong araw na sinasamba ng mahihirap nilang trabahador.

Pagkakaiba ng mayaman sa mahirap

Trabahador sa tubuhan sina Cherry Pie Picache, Spanky Manikan, Daria Ramirez, Ella Cruz (Meryll Soriano), Xyriel Manabat (Julia), at Zaijian Jaranilla (Coco), si Ronnie Lazaro naman ang katiwala ng may-ari ng tubuhan.

Nagtatrabaho ang pamilya ni Cherry Pie sa tubuhan ng magpinsan at naging mag-asawang sina John Estrada at Angel Aquino na may isang anak na si Alyanna Angeles na paglaki ay si Kim.

Mayor ng bayan ng Salvacion, Negros si Tirso Cruz III na napangasawa ang buntis na si Cherrie Gil sa anak nitong si Louise Abuel (Jake) at tatay naman niya si Ronaldo Valdez.

May masamang ugali ni Louise dahil sa sulsol ng lolo nitong si Ronaldo bagay na sinusupil ni Tirso, pero sa murang edad ay nagre-rebelde na ang bata kaya lumalaban sa kinikilalang ama.

Unang nagkita sina Zaijian at Alyanna sa simbahan at para mapansin ay nagprisinta siyang buhatin ang huli para hindi maputikan ang sapatos, pero sa sobrang bigat ay nadapa sila sa putikan na ikinagalit ng magulang na si John at narinig ni Louise ang gulo kaya’t lumabas siya at inaway ang batang manggagawa.

Dahil sa pag-amin ng kasalanan at prinsipyo ay napahanga ni Zaijian si Tirso kaya’t pinagalitan niya ang anak na si Louise sa ginawa nitong pang-aalipusta na hindi matanggap kaya sinagot-sagot ang ama.

Pinayuhan ng lolong si Ronaldo ang apo na kunin ang loob ng ama para pagkatiwalaan siya at makuha ang lahat ng gusto.

Para matuto ng buhay sakada si Louise ay kinaibigan nito si Zaijian para turuan siya ng tamang pagtatanim ng tubo at kapalit ay tuturuan niyang magbasa ang huli.

Hindi nagtagal ay isinasama na ni Louise ang kababatang si Alyanna sa tagpuan nila nina Zaijian at Xyriel sa lumang bahay.

Naging malapit sa isa’t isa sina Alyanna at Zaijian na ikinagagalit nina Louise at Xyriel kasi sila ang may gusto sa dalawa.

Tuwang-tuwa kami sa eksenang naliligo ang apat sa ilog na hindi namin naranasan noong bata pa kami hanggang ngayon.

Nasira ang magandang samahan ng apat noong magkasunog sa tubuhan na pag-aari ni Tirso at tinulungan ni Zaijian si Alyanna pero nagsinungaling si Louise na siya raw ang tumulong sa kababata.

Sa unang pagkakataon ay napangiti at naging proud si Tirso sa anak-anakan dahil sa pag-aakalang gumawa ito ng kabutihan pero hindi kumbinsido ang lolo Ronaldo dahil alam niyang nagsisinungaling ang apo.

Sinubukan ni Ronaldo ang apo sa tanong na, “halimbawang may dalawang kabayo, isang malinis at isang marumi, sino ang mas magaling?” na kaagad namang sinagot ni Louise, ‘ang marumi kasi siya ang laging nagagamit.’

Ani Ronaldo, “kung gayon, sino ang nagligtas kay Alyanna, ikaw o ang batang sakada?” Nagulat si Louise at ipingmatigasang siya ang nagligtas sa kababata, pero matigas ang lolo niya kaya’t umamin na rin sa bandang huli.

Nagka-engkuwentro sina John at Zaijian dahil sa maling bintang nito sa kanya na nanunog ng tubuhan ni Tirso dahil sa mga pasong nakuha.

Nagkunwang tumutulong si John na hanapin ang nanunog ng tubuhan ni Tirso para makuha ang loob ng mga mamamayan ng Salvacion dahil nga parati siyang talo sa kandidatura niya bilang mayor.

Kaagad na inawat ni Tirso ang pagpaparusa kay Zaijian dahil wala naman daw ebidensiya at sa gigil ni John ay muling nagpahanap kay Ronnie na katiwala niya sa tubuhan kung sino ang nanunog.

Kapwa sakada nina Zaijian ang ipinarada sa plaza para parusahan at dito na inamin ng batang manggagawa na hindi ang kapwa niya obrero ang nanunog ng tubuhan dahil nakita niyang nakasapatos ang salarin bagay na hindi nagsasapatos ang mga obrero at dito na ipinagtapat kung sino ang nagligtas kay Alyanna na anak ni John dahil naroon siya ng mangyari ang sunog.

Pinatunayan din ni Alyanna na si Zaijian ang naglitas sa kanya dahil binigyan niya ito ng panyo at ang panyong iyon ay hawak ng batang manggagawa.

Sa ginawang pagtatapat ni Zaijian ay nagalit si Louise sa kanya at pinutol na nito ang pakikitungo sa kanya.

Nagalit nang husto si Tirso sa anak-anakan dahil sa pagsisinungaling nito.

Simula noon ay hindi na nakikipaglaro si Alyanna kay Louise kaya’t nagalit ito at nagsumbong na nagkikita ang kababata at batang sakada sa ina nitong si Angel kaya’t nagdesisyong ilayo ang anak nila ni John at nag-aral sa London.

Hindi nakapagpa-alam ng maayos si Alyanna kay Zaijian dahil hindi kaagad sinabi ni Xyriel na nagseselos dahil may gusto nga siya sa kapwa niya manggagawa.

Dahil nakita ni Ronaldo na malungkot ang apo kaya’t sinulsulan na sundan sa London ang kababata at doon na rin mag-aral.

Maski na magkasama sa London sina Alyanna at Louise ay si Zaijian pa rin ang laman ng puso’t isipan ng una.

Samantalang si Zaijian naman ay nag-aral at at si Xyriel ay umalis ng tubuhan para mag-aral din.

Mahusay na pagkakalatag ng kuwento at soundtrack

Ang ganda ng pagkakalatag ng kuwento ng Ikaw Lamang na nagsimula noong dekada ’60 at gustong-gusto namin ang soundtrack nito tulad ng My Girl (Temptations), Somewhere (ginawang pelikula noong 1961), Sugar Honey, Honey (Archies), at iba pa.

Ipinakita rin ang panahong nanalong Miss Universe si Gloria Diaz noong 1969 at itinatag ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos ang Martial Law ng 1971.

Sa London na nagdalaga at nagbinata sina Kim at Jake dekada ‘70 at ang usong tugtog ay The Hustle (Van McCoy) samantalang sa Pilipinas ay pinapatugtog ang Bagong Lipunan Hymn/Bagong Pagsilang na ipinakita naman ang mga ginawa ng rehimeng Marcos.

Napilitang umuwi lang si Kim sa bayan niya ng malaman niyang naaksidente ang kanyang inang si Angel dahil sa kagagawan ng amang si John ng magtalo sila dahil inuubos ng huli ang pera nila na kita sa tubuhan.

Sumama na ring pauwi ng Negros si Jake dahil planong mag-propose kay Kim pagdating nila, pero naiba ang nangyari na aabangan sa ikalawang linggo ng Ikaw Lamang.

About hataw tabloid

Check Also

Rufa Mae Quinto Trevor Magallanes

Rufa Mae go-go-go pa rin kahit maraming problema

MA at PAni Rommel Placente MARAMI ang humanga sa pagiging positibo ni Rufa Mae Quinto …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Atong Ang Sunshine Cruz.

Atong Ang inamin relasyon kay Sunshine

INAMIN ng negosyanteng si Atong Ang na may relasyon sila ng aktres na si Sunshine …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Sen Bong walang nakikitang mali sa mga lalaking takot sa kanilang misis 

MATABILni John Fontanilla MATALINO, mapagmahal, may puso. Ito ang paglalarawan ni Senador Bong Revilla sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *