ni Roldan Castro
PARTE na ng buhay ni Pooh ang Banana Split dahil dito siya nagka-award bilang Best Comedy actor. Isa siya sa matibay na cast ng show at hanggang ngayon patuloy pa rin siyang nagbibigay tuwa.Mabuti naman hindi siya nagpapatalbog sa Banana Nite at Banana Split: Extra Sccop dahil may sarili siyang estilo. Siya lang ang ‘carry’ na gumanap na babae sa nasabing gag show.
Hindi ba siya natatakot na matalbugan sa ganda ni Angelica Panganiban, sa pagiging talented ni Jayson Gainza, at kaguwapuhan nina Zanjoe Marudo at John Prats?
“Ay siyempre, sobrang proud lalong-lalo na unang-una..sa grupo ni Direk Bobot (Mortiz), alam ko na ‘yan ang mga nagtatagal talaga. Tapos isa po ako sa napili, isa sa nakasama. Tapos ‘yung kasama ko, mga magagaling pa.
“Maraming magagaling dito. May kanya-kanya kaming galing dito, “ deklara niya.
Nag-iisa lang si Pooh sa Banana Split, ‘di ba?
“Ako lang ang bakla ..may papunta pa lang?” natatawa niyang pahayag.
Hanggang mabanggit ang pangalan ni Ryan Bang.
“Lalaki po ako, ah,” mabilis na tugon ng Koreanong komedyante.
“Sinabi ko rin ‘yan noong araw,” palag naman ni Ogie Diaz kaya lalong nagtawanan.
Seriously speaking, hindi naiinggit si Pooh sa tinatamasang popularidad ni Vice Ganda kahit nauna pa siyang magkapangalan sa showbiz.
“Siguro nagkakataon lang na maganda ‘yung diskarte, maganda ‘yung atake. Kasi para sa akin, nagulat din lang ako noong makapasok ako sa showbiz. Kumbaga, hindi ko inano…hindi ako nakapag-prepare. Sa ngayon ako nag-aayos..sa ngayon ko inaayos ‘yung career ko kung paano ba ang gagawin, kung paano ang mga gagawin, kung ano ang mga idaragdag para mapansin na rin ako.Pero, hindi ko sinasabing hindi ako napansin dati pero kasi kumbaga.. baka may kulang ako rati, alam mo ‘yun.
“At inaamin ko naman talaga na magaling talaga si Viceral, magaling talaga si Vice. Walang kuwestiyon doon. Kasi, kahit dati sa sing-along namin dati, topnotch kung tawagin namin siya.So, talagang pangalawa lang kami, pangatlo, pang-apat at marami kami roon (sa comedy bar na pinagsimulan nila),” pag-amin niya.
“So, talagang wala namang ano. . .hindi big deal ‘yung dahil sa may show siya, ganoon. At saka masaya ako rito sa ‘Banana Split’,” dagdag pa ni Pooh.
Of course, kung bibigyan naman daw siya ng sariling show ng ABS-CBN ay bakit naman siya tatanggi.
“Sino ba ang ayaw? Pero siguro sa panahong ito, baka wala pa ring pwesto, baka wala pa ring ano, alam mo ‘yun, antay-antay. Kung ano lang din ang ibigay,” bulalas pa niya.
Pero, mabentang-mabenta naman si Pooh sa mga show abroad at doon talaga siya humahataw nang husto.
Samantla, kung umabot ng limang taon ang Banana Split, magdiriwang naman ng unang anibersaryo ang Banana Nite ngayong February 25 kasabay ng Luv U na magdadalawang taong anibersaryo na rin. Yes, tatlo sa mga comedy show ng ABS-CBN 2 ang mag-aanibersaryo ngayong buwan, at isang malaking pasasalamat ang handog ng bawat isa para sa mga tawanang ibinahagi sa mga taong nakaraan. Kasama rito ang paboritong kiddie gag show na Goin’ Bulilit na nagdiriwang ng ika-siyam na taon.
Bilang isang malaking treat para sa loyal viewers ng Kapamilya comedy, sama-sama ang pagdiwang ng Buhay Komedyante ng network ngayong Pebrero—kung kailan ibabahagi ng bawat programa ang pagmamahal at pasasalamat nila sa kanilang audience sa paborito nilang paraan—ang sama-samang tawanan at sama-samang pagsasaya kasama ang lahat ng pamilyang Pinoy.
Huwag palampasin ang mga Kapamilya comedy shows. Panoorin ang Banana Split: Extra Scoop tuwing Sabado pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya, ang Banana Nite tuwing weekdays pagkatapos ng Bandila, an LUV U tuwing Linggo pagkatapos ng ASAP 19, ang Goin’ Bulilit tuwing Linggo pagkatapos ng TV Patrol Weekend, at ang Home Sweetie Home tuwing Linggo pagkatapos ng Goin’ Bulilit.
Talbog!