SINAKMAL NG ASKAL ANG AKING HITA NANG TANGKAIN KONG KUMATOK SA KARINDERIA
Ang tamis ng ganting ngiti niya sa akin. Lumitaw ang mapuputi at magandang tubo ng kanyang mga ngipin. Pakiwari ko’y naka-first step na ako. Sa susunod, magpapakilala na ako kay Inday. At sa susunod pang mga araw, pwede na siguro akong makipagtsika-tsikahan sa kanya. Magandang buwelo lang ang kailangan ko upang makuha ang kalooban niya.
Mag-iisang buwan na akong suki ng Yadni’s Karinderya, pero hindi ko kabisado ang oras nang pagsasara nito. Nakalimutan kong hanggang ala-siyete lang ng gabi ito bukas. Paglapit ko sa tapat ng karinderya, sinalubong ako nang malakas na ungol ng isang askal na nanginginain sa basurahan sa isang sulok ng bangketa. Palapit nang palapit ako, palakas nang palakas din ang pag-ungol ng aso. Kakatukin ko sana ang sarado nang pinto ng karinderya para kung sakaling may tao pa roon ay makapagpabalot ako ng mabibiling ulam. Baka nga si Inday pa ang magbukas sa akin, e, di suwerte ko.
Nang malapit na ako sa pintuan ng karinderya, ang ungol ng askal ay naging malakas na kahol. Kinahulan ako nang kinahulan. Ay, eskadalosang aso! At bago pa ako napagbuksan ng pinto ng taong nasa loob ng karinderya ay sumalakay na sa akin ang askal. Bigla akong sinakmal sa punong-hita. Naku-pooo! Muntik nang mangatngat ang aking alaga. Salamat kay San Roque at ang nangatngat lang ng askal ay ang pantalon ko. Wala sa oras na napalundag ako sa ibabaw ng nakaparadang traysikel sa gilid ng bangketa. Nakataas na ang dalawang paa ko ay nilulundag-lundag pa rin ako ng galit na aso. Sa matinding takot na ina-bot ko ay napapupu yata ako sa salawal nang ‘di oras.
Inabutan pa ni Inday ang eksenang pinagpapakitaan ako ng matatalim na pangil ng askal na tila naghahamon na mag-showdown kaming dalawa. Paglapit niya ay napansin ko ang pagtatakip niya ng palad sa ilong. Naku, baka umaalingasaw na ang ‘di-kanais-nais na amoy sa pundilyo ng suot kong brief. Para hindi mapagbintangan na sa akin umaalingasaw ang masamang amoy ay pasigaw kong idinayalog ang ganito: “Hayup ka! Muntik mo pa akong ma-ebakan, a!”
“Tsu!” sabi ni Inday, hawak ang walis tingting na ipinambugaw sa askal.
Nagtatakbong palayo ang bwisit na aso.
“Nakagat ka ba?” naitanong sa akin ni Inday.
Umiling ako. Pero sa nerbyos ko, maliban sa ulam at kanin ay napa-order na rin ako sa kanya ng mineral water.
Pumasok si Inday sa loob ng karinderya. Pagbalik niya, nagyeyelo-sa-lamig ang iniabot niya sa aking mineral water sa botelya. At nakalagay na sa supot na plastik ang uulamin ko sa hapunan. Pritong hita ng manok at nilagang talong na may bagoong. At dinagdagan niya ‘yun ng ngiting pagkatamis-tamis.
Napatunganga ako sa byuti ni Inday.
(Itutuloy)
Rey Atalia