NANGUPAHAN KAMI NG KABABATA KONG SI DONDON SA ISANG ENTRESUELO SA U-BELT
Umuupa kami ng kababata kong si Dondon sa isang maliit na kwarto ng bahay-paupahan sa university belt. Hati kami sa pagbabayad ng rentang apat na libong piso kada buwan. Kasyang-kasya lang sa espasyo ng kwarto namin ang isang maliit na mesa, dalawang silyang plastik at isang kamang double deck. Sa itaas natutulog si Dondon, sa ibaba naman ako. Sa liit ng inuuwian namin ay nawalan na kami ni Dondon ng karapatang tumanggap ng bisita. Kung isa lang, siguro’y okey pa. Kapag nagpapasok kami ng dalawa o tatlo-katao ay tiyak na patayo na kaming mag-uusap-usap.
May kanya-kanya kaming toka ni Dondon ng mga araw sa paglilinis ng aming kuwarto at CR. Kanya-kanya rin kami ng ligpit ng mga sariling gamit. May araw kami sa paglalaba at pagplantsa ng aming mga damit. Sabado si Dondon. Linggo naman ako. Dahil pareho kaming tamad magluto, sa karinderya na lang kami tsumitsibug. Mas praktikal ang gayon dahil hindi na kami mapapagod ay hindi na rin namin kinakailangang bumili ng gas na panluto at ng kung anu-ano pang mga pangsahog.
“Du’n sa kinakainan ko, masarap na, mura pa,” pagmamalaki ni Dondon sa kanyang su-king karinderya.
“Ow, talaga?” ang nasabi ko sa pagdududa.
Ang masarap kasi kay Dondon ay maaaring hindi masarap sa akin. At ang masarap sa akin ay posibleng hindi masarap sa kanya. Pero para maiba naman sa panlasa ko ay nagpasama ako sa suki niyang karinderya. Halos magkakatabi roon ang mga karinderya. Nasa paligid din ang tapsilogan, pares-pares, bolalohan, mamihan at lugawan. Pwera pa ang mga fastfood na malapit sa unibersidad na aming pinapasukan. Ay! Sawang-sawa na ako sa ga-yong klase ng mga pagkain. Noon ngang bagu-bago ako sa Maynila ay amoy burger ang bawa’t dighay ko.
Ang suking karinderya ni Dondon ay tatlong bloke lang ang layo sa iskinita ng inooku-pahan naming kwarto . Nasa silong ‘yun ng bahay-residensyal. “Yadni’s Lutong-Bahay” ang nakaanunsiyo sa karatula sa bungad niyon. May nakapaskel din na “Student’s Meal” ng sari-sa-ring menu: pakbet, sinigang na baboy, ginisang munggo, dinaing na bangus, pritong galunggong, papaitan at kare-kare. Sa loob nito, sa magkabilang panig ay may tig-apat na pahabang mesa na kasya ang anim o walo-katao. Dalawang nagdadalaga nang kabataang babae ang tagapagsilbi sa mga parukyano at ang may edad na babae naman ang tagaligpit at tagahugas ng mga pinagkainan.
Naroon din sa isang sulok sa bungad ng karinderya ang kahera na umagaw agad ng pansin ko. Parang lente ng kamera na napapokus ang paningin ko sa kanya. Kayganda ng mukha. Nagyayabang ang tindig ng mga dibdib. Kor-teng gitara ang hugis ng katawan. At matambok ang kalamnan ng pwet.
(Itutuloy)
Rey Atalia