BAGAY kay Aga Muhlach ang game show na Let’s Ask Pilipinas ng TV5. Aliw factor si Aga sa show na hindi magagawa ni Ryan Agoncillo kung napasakanya ang show dahil seryoso type ito. Parang hindi baguhan si Aga na game show host.
Biniro nga siya na kulang na lang ang cyber sex sa pakikipagharutan niya sa mga magaganda at seksing contestants sa internet.
Magaling siya mag-adlib na pasok talaga sa banga.Umaarte siyang binata sa show na hindi naman nakakailang na panoorin.
Ang paglalandi niya sa show at panliligaw kuno ay isa sa nagpapasaya sa show lalo na ‘pag game ang contestant.
Masuwerte ang TV5 na tinanggap ni Aga ang Let’s Ask Pilipinas dahil dati ay tinanggihan niya ang The Singing Bee ng ABS-CNN 2 na napunta kay Cesar Montano. Kahit noontime show at teleserye ay inalok na siya rati pero hindi niya ginawa. Buhos kasi ang oras niya sa serye.
Kung gagawa man siya ng serye na hindi niya tatanggihan ay ‘yung nasa beach ang location at taong-tao ang dating. Hindi ‘yung naka-make up at nakaporma.
Pero may naaamoy kami na may concept si Aga na pang-noontime show na posibleng gawin ng TV5, huh! Mukhang pina-plano rin niyang ilatag ito sa Singko.
Talbog!
Christopher, sawa nang kasama sa serye si Gladys?
HINDI naniniwala si Christopher Roxas sa isyung kumalat sa Facebook na umano’y ayaw papasukin ang mga hindi ng miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa kanilang simbahan sa Balasan, Iloilo habang kasagsagan ng bagyong Yolanda.
”Ako, bilang Iglesia, hindi ako sure kung hindi pinapasok o namili o ano. Pero, I think, bilang tao at nakikita mong ganoon kaano, hindi mo naman siguro ila-lock ‘yun para pabayaan sila. Kasi ako, ang unang stand ko noong marinig ko ‘yun, siguro ano lang… confident ako na hindi ganoon, ‘yun. Kasi, labas ang religion, bilang tao na lang ang usapin doon.Tanggal na ang religion na Iglesia ka ba o hindi,” deklara niya nang makatsikahan namin.
Anyway, masaya si Christopher sa unang regular teleserye niya sa Kapuso Network.
Nasa cast din ang asawa niyang si Gladys Reyes pero hindi sila magkaeksena. “Ang saya-saya ko na wala! Kahit nga sa kabila, mayroong show na magkasama kami, sinasabihan ko ang handler ko na, wala lang, ‘Yan na naman? Wala ng iba?,’ natatawa niyang sambit.
Roldan Castro