NAGPAKASAL pala talaga si Freddie Aguilar sa kanyang 16 years old na girlfriend sa isang restaurant sa Maguindanao. Ang nagkasal sa kanila ay si Governor Toto Mangundadatu. Una, hindi namin maintindihan iyan. Nagpa-covert siya bilang isang Muslim at ngayon ang pangalan na niya ay Abdul Farid, pero ang nagkasal sa kanila ay hindi isang Imam kundi isang public official. Ibig sabihin, iyon ay isang kasal na sibil na ang ginamit na batayan ay batas ng relihiyon. Magulo hindi ba?
Ang natatawa kami, mayroon pa ngayong palabas si Abdul Farid, na nagsasabing kahit naman daw noong high school pa siya talagang ayaw na niyang pag-aralan ang relihiyong tinalikuran niya, dahil ang nagtuturo ng relihiyon sa eskuwelahan ay isang Kastila, eh iyang mga kastila raw ang nagpahirap sa mga Filipino noong araw.
Inconsistent, dahil noong una, sinasabi niyang hihintayin niyang maging 18 man lang ang kanyang batang girlfriend para makapagpakasal sila ng legal, kasi nga walang magkakasal sa kanila dahil sa umiiral na family code. Pero nasilip nila ang batas na ipinatutupad ng Shaariya, kaya roon sila nagpakasal para matigil na raw ang usapan.
Tiyak matitigil na nga ang usapan dahil sino ba ang nakakikilala sa kanya ngayon na gamit ang kanyang pangalang si Abdul Farid. At dapat pangatawanan niya iyan ha, iyan ang gagamitin niyang pangalan. Kung iisipin, legally ay wala na siyang karapatang gumamit ng pangalang Freddie Aguilar. Hindi na siya iyon eh. Iyon ay isang pangalang Kristiano, iba na ang pangalan niya bilang Muslim. Kung patuloy niyang gagamitin ang pangalang Freddie Aguilar, aba eh dapat magduda sa kanya ang mga Muslim, dahil pumasok lang pala siya sa Islam para mapakasalan ang batambatang syota niya. Kailangan sa pagpasok niya sa Islam, pangatawanan niya iyan kagaya ng ginawa ni Muhammad Ali noong araw. Talagang pinangatawanan niya ang pagpasok niya sa pananampalatayang Islam.
Kung hindi, ang magiging usapan ay talagang nambobola lang si lolo.
Beauty Queens, ilalagay na rin sa Walk of Fame
ANG naging announcement lamang ni Kuya Germs sa kanyang TV show, na nakatulugan na naman namin dahil bago iyon pumasok on the air parang simbang gabi na, may pagbabago raw sa Walk of Fame na gagawin niya sa anibersaryo niyon sa December 1. Ilalagay daw niya roon ang mga beauty queen, at umaasa siyang makararating din doon ang Miss World na si Megan Young.
Noong makita naman namin si Kuya Germs noong isang araw, ang kuwento niya sa amin, ilalagay din niya sa Walk of Fame sa December 1 si Anderson Cooper ng CNN. Dahil dapat din daw iyong parangalan dahil sa malaking tulong na nagawa ng kanyang mga broadcast sa CNN para sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo sa Visayas. Naku, ayaw ni Korina Sanchez ng ganyan.
Tingnan natin kung ano nga ba ang mangyayari sa December 1. Buti na lang nasa Eastwood ang Walk of Fame at hindi sa Araneta na pag-aari ng pamilya ni Mar Roxas. Kung sa Cubao iyan, hindi papayag ang may-ari ng Araneta.
Ed de Leon