NAKATUTUWANG muling mapapanood sa big screen ang obra ni Eddie Romero, angGanito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? Na mas maganda at mas malinaw na kopya sa mga piling sinehan simula ngayong linggo.
Muling saksihan ang obra ni Direk Eddie sa pangunguna nina Christopher De Leon, Gloria Diaz, at Eddie Garcia sa mga espesyal na screenings sa SM City North EDSA, SM Megamall, SM Manila, SM Fairview, Robinsons Galleria, Robinsons Metroeast, at Market Market.
Ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? ay ang ikatlong pelikula na sumailalim sa restoration ng ABS-CBN Film Archives at Central Digital Laboratory. Sinundan nito ang matagumpay na restoration ng pelikula ni Ishmael Bernal na Himala at ang pelikula naman ni Peque Gallaga na Oro Plata Mata.
Sadyang namumukod-tangi ang restoration campaign ng ABS-CBN kaya naman ginawa itong modelo ng ibang archivists na miyembro ng Southeast Asia-Pacific Audio Visual Archives Association (SEAPAVA) para gayahin sa kani-kanilang bansa.
Kamakailan lang din ay pinarangalan ang ABS-CBN Film Archives ng prestihiyosongInternational Association of Business Communicators ng Philippine Quill Awardpara sa matagumpay nitong kampanya sa pag-restore ng pelikulang Himala.
Marami nang nai-restore at ire-restore pa na pelikula ang ABS-CBN Film Archives kabilang na ang 50 titulo mula Star Cinema tulad ng Got to Believe, Milan,Tanging Yaman, Dekada 70, Maalaala Mo Kaya, at Sana Maulit Muli.
Ayon sa head nito na si Leo Katigbak, ” Hindi limitado ang restoration efforts namin sa mga luman pelikula. Halimbawa nito ay nang ginawa naming HD format ang ‘The Mistress’. Ang lahat ng ginagawa namin ay para ihanda ang aming mga content para masilayan pa ng susunod na henerasyon ng mga manonood na Filipino.”
Maricris Valdez Nicasio