NAGBIGAY ng P10-M ang komedyanteng si Willie Revillame sa DSWD para maitulong sa mga nasalanta ng Haiyan sa Visayas. Isipin ninyo ha, si Revillame na isa na sa sinasabing pinakamalaking tax payer noong nakaraang taon, meaning malaki na ang naiambag niya sa gobyerno. Ngayon nagbigay pa ulit ng P10-M para sa mga biktima ng bagyo.
Sinong opisyal ng gobyerno ang nakagawa ng ginawa ni Revillame, o ni Sharon Cuneta na nakapagbigay ng ganoon kalaking halaga mula sa sarili nilang bulsa? Sino sa mga opisyal ng gobyerno ang nakagawa ng ginawa ni Angel Locsin na maging ang isang collectible vintage car ay ipinagbili para sa mga biktima ng bagyo, at siya mismo nakalupasay sa lapag sa pagbabalot ng relief goods kasama ng Red Cross? Aba ngayon ay mas maipagmamalaki namin, mas magaling talaga ang mga taga-showbusiness kaysa mga opisyal ng gobyerno na walang ginawa kung mangalumbaba at magkamot ng ulo.
Ed de Leon