TALAGANG ang tingin ng marami sa ating mga kababayan kay Anderson Cooper ng CNN ay isang hero, dahil naniniwala sila na ang mga broadcasts na ginawa niyon sa Tacloban ang siyang nakatawag ng pansin ng international community para tumulong sa Pilipinas. Ang mga broadcasts na iyon ang nakatawag ng pansin kahit na ng mga dayuhan para magkaroon ng mga pribadong fund campaign para sa mga biktima ng Haiyan sa Pilipinas, maliban pa sa ginagawa ng kanilang gobyerno.
Noong isang gabi lamang, may kausap kaming isang Bangladesh national na nagsabi sa amin na ang kanilang asosasyon sa Pilipinas ay nagpadala na ng donasyon, maging ang kanilang pamahalaan, at maging siya mismo, matapos nilang mapanood ang broadcast ni Cooper sa CNN mula sa Tacloban. Talagang malaki ang nagawa ng broadcast ni Cooper.
Kung titingnan ninyo sa mga social networking site, aba mas matindi ang mga papuri kay Cooper, lalo na nang magpasalamat pa siya sa mga Filipino dahil sa ipinakitang katatagan ng mga iyon sa kabila ng isang disaster. May mga gumagawa pa ng mga photo layout ni Cooper ngayon sa internet. Talagang natabunan niya kahit na si Secretary Mar Roxas na siyang nangangasiwa ng lahat para sa gobyerno ng Pilipinas. Lalo na nga ng sabihan ni Roxas ang isang grupo ng mga foreign medical volunteers na hindi na kailangan ang mga volunteer doctor, habang ang napapanood naman sa telebisyon ay ang maraming namamatay pagkatapos ng bagyo dahil sa tetano at kung ano-ano pang sakit na hindi nalunasan dahil wala nga silang makuhang medical attention.
Inulan din naman ng batikos ang asawa ni Roxas na si Korina Sanchez, na binanatan pa si Cooper dahil sa sinabi niyong kulang ang efforts ng gobyerno sa relief and rescue operations. Eh paano ngang mapabibilis ang rescue eh panay pa ang sisihan. Kaya nga marami ang nagsasabi na ang naging comments ni Korina ay hindi nakatulong sa ambisyon ni Roxas sa 2016, nabalolang pa siya.
Ed de Leon