TUWANG-TUWA ang press sa singer na si Lara Maigue na nasa nasabing presscon sa paglulunsad ng Philpop2014. At talagang ini-request siya na kantahin ang kanyang piyesang nasa puso na rin ng mga listener ngayon, ang Sa ‘Yo Na Lang Ako.
Masaya si Lara dahil nakuha nga ito ng TV5 para maging theme song ng For Love or Money na pinagbibidahan nina Alice Dixson at Derek Ramsay.
At may bago na pala uling piyesa si Lara na malamang na makasama na sa album na ilulunsad niya, ang Ikaw na Siya, na inamin naman ng dalagang ang kasintahan niyang cellist ay nag-aaral ngayon sa Memphis, Tennessee, USA bilang scholar.
“Naging life-changing po para sa akin ang pagsali ko sa ‘Philpop2013’, and noong kantahin pa siya ni Karylle, the song gained a lot of supporters at kasama na rin ako roon. Happy din ako na Philpop is really taking care of me. Dahil sila bale ang naka-discover sa akin, sa talento ko. And Ogie (Alcasid) also talked to me. So, I might be a Kapatid soon. How? Pinag-uusapan pa lang po. Basta you will see more of me there. Natutuwa lang ako na because of this, tumaas lang ‘yung confidence ko. After ‘Sa ‘Yo Na Lang Ako’, alam ko there’s more pressure kung what’s next.”
So, ang boyfriend ba niyang cellist ang posible niyang makatuluyan?
Matipid pero may pag-asam na sinabi ni Lara na, ”Sana nga po!”
Kimpoy, sumikat dahil sa Philpop
ISA pang sige rin ang airplay ng kanta eh, ang Sana Pinatay Mo na Lang Ako ni Kimpoy Feliciano. Na parami na rin nang parami ang followers sa Facebook, Twitter at iba pa.
Nakatsika namin si Kimpoy at gaya ni Lara, natutuwa siya sa mga pagbabagong nangyari sa buhay niya when he joined Philpop2013. Mas naging inspirado nga raw siya.
“Hindi ko kasi inakala na rito pala ako mapupunta. Hindi naman ako magaling na singer. Alam kong marami pa akong dapat na i-improve. Pero dahil dito, nagkaroon ako ng ‘With A Smile’ sa GMA-7. At kahit saan ako magpunta ngayon, mall tour, shows sa iba’t ibang venue, kahit wala sa repertoire ko ‘yung song, nire-request talaga ng mga tao.”
Dream pala ni Kimpoy na makilala rin bilang isang mahusay na artista. At natumbok namin kung sino ang crush niya in showbiz.
“Si Kathryn Bernardo. Gusto ko kasi ‘yung simpleng look niya na Pinay na Pinay. Nakilala ko na siya. Through common friends. Nakakasama lumabas with Julia (Montes). Paminsan-minsan, nasisilip ko ang ’Got to Believe’ kasi, gusto ko rin siya makita roon. Crush lang naman. And alam niya na crush ko siya. Alam ko naman na sobrang dami rin ng may crush sa kanya.”
Kaya naman daw ganoon, ang dalawang naging kasintahan pala niya-when he was 16 and 18 (magtu-21 na siya sa December 18) eh, si Kathryn lang ang peg. Mga Pinay na Pinay pero simple ang taglay na mga kagandahan. At ang isa pa sa mga ito eh, sa New Zealand lumaki.
See more of Lara and Kimpoy sa mga darating na shows na dala ang kanilang mga pinasisikat pang mga kanta.
At sa mga inspirado at nais na maging bahagi ng Philpo2014, now is your chance para i-share ang talentong iniregalo sa inyo ng Diyos— sa pamamagitan ng musika. Just log-on to www.philpop.com.ph.
It’s officially opened!
Pilar Mateo