HUMAKOT ng pitong parangal ang ABS-CBN sa prestihiyosong Philippine Quill Awards na kumilala sa galing at husay ng Kapamilya Network sa kanilang mga proyektong may kinalaman sa komunikasyon. Ito ang pinakamaraming Quill Awards na nakuha ng isang TV network para sa taong ito.
Umani ang ABS-CBN Corporate Communications ng Quill award para sa 2012 Media Christmas Party nito na dinaluhan ng higit sa 200 miyembro ng entertainment press at bloggers. Bilang pasasalamat sa pagsuporta ng mga ito sa network, layunin ng pagtitipon na personal na maiparanas sa kanila ang ilan sa masasayang programa ng ABS-CBN.
Naranasan ng mga dumalo ang magulo ngunit kuwelang Sine Mo ‘To ng It’s Showtime, ang tensyon sa paglalaro ng Kapamilya Deal or No Deal, ang pagrampa bilang bilang isang 24K Girl, at naging bahagi rin ng press version ng Christmas Station ID ng network.
Dalawang Quill awards ang inuwi ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs. Tumanggap ng Quill award ang ika-11 na Buntis Congress ng DZMM Radyo Patrol 630.
Kinilala rin ang COMELEC Halalan App ng ABS-CBN Digital News Media dahil sa agaran nitong pagbibigay ng resulta sa halalan nitong Mayo mula mismo sa Commission on Elections (COMELEC), personal na impormasyon ng mga botante, at maging lokasyon ng presinto ng botante sa pamamagitan ng smartphones at tablets.
Panalo rin ang ABS-CBN Creative Communications Management ng Quill award para sa Christmas Station ID ng ABS-CBN noong 2012 na pinamagatang Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko.
Pinarangalan naman ng dalawang Quill awards sa kategoryang Corporate Social Responsibility at Multi-Audience Communication ang 2012 Christmas campaign ng ABS-CBN na Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko. Bukod sa station ID, parte ng kampanya ang parol selling activity, Kwento ng Pasko stories sa TV Patrol, Kapamilya Simbang Gabi, Salamat Kapamilya gift cards, viewer promo, Kapamilya Gift Together, at ang ABS-CBN Christmas Special. Ang mga pondong nakalap sa proyekto ay napunta sa mga biktima ng Habagat sa Metro Manila.
Kinilala ang ABS-CBN Film Archives dahil sa matagumpay nitong pagre-restore o pagbuhay sa classic film na Himala na idinerehe ni Ishmael Bernal.
Congrats!
Kris, nominado sa Asian Television Awards 2013
PASOK sa listahan ng nominees ng Asian Television Awards (ATA) 2013 ang Kris TV host na siKris Aquino at ang hit talent-reality show ng ABS-CBN na The X Factor Philippines.
Si Kris ang kaisa-isang nominado mula sa Pilipinas para sa Best Entertainment Presenter/Host category, na makatutunggali niya ang apat pang TV hosts mula sa Singapore and Thailand.
Samantala, nag-iisang Philippine nominee rin ang The X Factor Philippines sa kategoryang Best Reality Show kasabay ang iba pang programa mula sa Singapore, Indonesia, India, at China.
Balita ring nominado ang Kapuso actress na sina Marian Rivera (Temptation of Wife) at Lorna Tolentino (Pahiram ng Sandali) para sa Best Actress in a Leading Role category.
Gaganapin ang awards ceremony at gala dinner ng Asian TV Awards sa Disyembre 5 (Huwebes) sa Resorts World Sentosa sa Singapore.
Roldan Castro