KAHANGA-HANGA na bawat isa sa mga Filipino ay nagbibigay ng kani-kanilang tulong. Sa anumang paraan, sa oras ng kagipitan, magkaagapay sa pagtutulungan.
Marami na ang nagbigay at nagpahayag ng pagtulong sa mga biktima ng supertyphoon Yolanda. At isa sa magbibigay tulong ay ang Pop Rock Princess na si Yeng Constantino.
Napag-alaman naming 100 percent ng kikitain ng kanyang concert na Plugged In: Yeng Constantino Birthday Concert na gagawin sa Nobyembre 30, 7:00 p.m. sa Samsung Hall, SM Aura, Global City, Taguig ay ibibigay niya sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban at Leyte kahati ang benepisyaryo rin ng konsiyertong ito, ang Right Start. Kumbaga, lahat ng benta ng ticket mula sa SM ticketnet ay didiretso na sa kawanggawa. At ang mga producer nitong Cornerstone Concert at Academy of Rock Singapore ay hindi na hahati pa sa kikitain.
Ang Plugged In concert ay pasasalamat din ni Yeng sa kanyang fans na walang sawang tumatangkilik sa kanya. Gayundin sa mga sunod-sunod na blessings na dumating sa kanya. Nariyan ang dalawang matagumpay na concert sa loob ng isang taon, bukod pa sa mga out of the countries show. Gayundin ang pag-gold ng kanyang album na Metamorphosis at ang pagiging Ambassadress ng Academy of Rock School of Music Singapore.
Kaliwa’t kanan din ang mga award/citation ni Yeng nitong taon para sa Metamorphosis album niya at nanalo pa sa MYX. Kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat ni Yeng at nais niyang ibalik ang lahat ng blessings na ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taga-Tacloban, Leyte, at sa Right Start.
“This is very intimate concert po na gagawin ko together with Cornerstone and Academy of Rock para sa mga taga-suporta ko kasi this is parang tour simula noong bata ako, nagsimula palang ako na sumasali sa mga singing contest kung ano ‘yung mga kinakanta ko noon, ano ‘yung mga song pieces ko at nagbanda na po ako at nanalo sa ‘Pinoy Dream Academy’ at naging Pop Rock Princess po ng Philippines. Grabe po, sobrang grateful po ako talaga sa nangyari sa akin sa pitong taon ko po sa industriya.
“At ito lang naman po ang gusto kong gawin na awitan ko ang mga taga-suporta ko sa birthday ko,” ani Yeng.
So, sa mga gusto ring tumulong pa sa ating mga kababayang naapektuhan ng bagyong Yolanda, watch na po kayo ng Plugged In concert ni Yeng sa Nobyembre 30, Sabado sa Samsung Hall, SM Aura Global City, Taguig at para sa tickets, tumawag sa 470-2222.
Maricris Valdez Nicasio