EWAN kung ano nga ba ang maaasahan natin sa darating na Metro Manila Film Festival. Wala ngayon iyong Kabisote series ni Vic Sotto at sa halip, isang pelikula niRyzza Mae Dizon at ni James Yap Jr., ang kanilang ginawa. Nakatatakot iyan dahil sa TV ratings nga, may mga araw na mababa na ang show ni Ryzza Mae na siyang pre-programming ng Eat Bulaga. Iyon namang anak ni James Yap, first timer iyan at hindi natin alam kung ano nga ba ang tanggap sa kanya ng publiko.
Iyong inaasahang kikita talaga, iyong movie version ng sikat na seryeng Be Careful With My Heart ay opisyal nang umurong dahil sa schedule ng kanilang mga artista. Hindi na raw sila makatatapos. Opisyal na ring umurong iyong pelikula ni Senador Bong Revilla dahil nagkaroon nga ng problema sa casting, at saka siguro umiwas na rin siya sa maaaring maging masamang epekto ng kanyang pagkakasangkot sa PDAF scam.
Sinasabi nga nila na ang mga pelikulang natira ay nakakapagduda ang commercial viability. Bilang kapalit ng mga umatras, pumasok ang isang pelikulang napakahina ng casting. Nakapasok din ang pelikula ni E.R.Ejercito, eh alam naman natin noong nakaraang taon, ang pelikula niya ang second bottom holder sa takilya.
Palagay namin, pagkatapos ng festival na iyan, at matapos na ang kita mula sa taxes ay mabawasan pa ng donasyong ibibigay sa Optical Media Board na nasa ilalim ng Office of the President, at makaltasan pa ng isang bahagi para sa social fund ng presidente na bahagi rin ng presidential pork barrel na tinatawag, wala nang maaasahan ang mga maliliit na manggagawa ng pelikulang Filipino na noong una pa ay siya talagang beneficiary ng festival na iyan. Barya-barya na lang ang maaaring asahan diyan ngMowelfund, dahil alalahanin ninyo, mula sa kita ng festival ay binibigyan pa ng “cash gifts” ang ilang opisyal ng MMDA dahil daw sa pagod nila sa festival. Parang SSS din ano?
May bonus sa mga boss, hindi makabayad sa mga dapat ay benepisyaryo na naghulog ng kanilang kontribusyon. At legal iyan ha!
Ed de Leon