KAWAWA naman si Megan Young. Akalain ba naman ninyong pinapunta siya sa isang orphanage sa Haiti, pina-akyat pa roon sa second floor na nag-aaral iyong mga bata, tapos hindi man lang nila tiniyak na ligtas iyon. Ayun, gumuho ang flooring ng building. Nagalusan si Megan. Iyong organizer nga raw ng Miss World nabali ang balakang eh, kaya kailangang dalhin agad sa US para maoperahan.
Sa kaso ni Megan, galos nga lang, pero isipin ninyo ang shock na kanyang inabot dahil sa nangyaring iyon. Ikinuwento niyang na-shock siya, at hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin nang gumuho ngang bigla ang flooring na kanilang kinatatayuan, at nakita niya ang pagbagsak ng mga tao.
Kung dito sa Pilipinas nangyari iyan, may kalalagyan ang mga organizer ng event na iyan. Kung sa US nangyari iyan, mas malaking pananagutan pa ang aabutin nila.
Election protest
ni Aga, dapat pa bang pagbuhusan ng panahon?
MAY resolusyon na raw ang House of Representative Electoral Tribunal sa election protest na isinampa ni Aga Muhlach, dahil nakita naman daw nila na may “form and substance” ang reklamo.
Pero kailan madedesisyonan ang protestang iyan, kung kailan matatapos na ang term of office na kanilang pinagtatalunan at ubos na rin ang pork barrel niyon?
Ewan kung dapat pa nga bang pagbuhusan ng isip at panahon ni Aga ang kasong iyan.
Ed de Leon