HINDI talaga ini-expect ng taga-Viva na hindi kakagatin ang launching movie ni Joey Paras na “Bekikang.”
Kasi maganda naman ang istorya, very funny at ang nagdirek nito ay blockbuster director na si Wenn Deramas. Dagdag factor pa sana si Tom Rodriguez na leading man ni Bekikang na inaasahan ng Viva na magdadala kay Joey. Pero ‘yun nga, aminado sila, na nabigo sila sa kanilang mga inaasahan.
Dahil flopsina ang latest movie mukhang nanganganib na rin ngayon ang pelikula ni Tom kasama ang leading lady niya sa My Husband’s Lover na si Carla Abellana. Hayan, umalis kasi ng ABS-CBN dahil ang feeling aangat ang career sa GMA. Anong napala mo Tom, ang bilis naman ng paglagapak ng career mo.
Sana makabawi ka pa or else sa kangkungan ka pupulutin gyud!
GOV. VILMA SANTOS NABAHIRAN NG LUNGKOT ANG BIRTHDAY SA JAPAN, DAHIL SA NAMAYAPANG BIYENAN
Every year tuwing nagsi-celebrate ng birthday si Gov. Vilma Santos kasama niya ang mga taong nagmamahal sa kanya kasama na riyan ang kanyang Vilmanians at mga ka-close sa entertainment press. Pero this year ay hindi natuloy ang naka-schedule na sanang salo-salo sa Batangas para kay Ate Vi dahil namatay nga ang mother ni Sen. Ralph Recto na si Doña Carmen Gonzales-Recto. Bilang respeto sa kanyang biyenan na very close sa kanya ay kinansela ang munting party na ‘yon na naunawaan naman siyempre ng fans ni Gov. Vi. Hindi naman maganda para sa actress-politician na nagsasaya sila gayong may namayapang miyembro ng pamilya. Bilang suporta at pakikiramay nila sa kanilang idolo ay gabi-gabing nakikita ang Vilmanians, mga politiko at artista sa burol ni Doña Carmen sa chapels 8, 9 and 10 sa Heritage Park sa Taguig. Siyempre naroroon din ang mga anak ni ate Vi na sina Luis Manzano at Ryan Christian na mas lalong nagiging artistahin ang dating. Kompleto rin ang pamilya Recto sa burol ng kanilang ina. Hindi naging buo ang kasiyahan ni Gov Vi sa Japan. Doon niya ini-celebrate ang kanyang birthday kasama si Sen. Ralph, Luis, Ryan at iba pang entourages dahil nga sa pangyayari. Pero sa kabila ng kanyang kalungkutan ngayon ay natuwa ang Star for All Seasons dahil sa all-out support na ibinigay sa kanya ng fans nang ipalabas ang kanyang blockbuster horror movie na “The Healing” sa Kapamilya network na hindi lang umani ng papuri sa viewers kundi nakakuha rin ng mataas na rating. Patunay lang, na hanggang ngayon bukod sa kanyang taglay na “eternal youthful” ay maituturing pa rin na bankable star ang nag-iisang Vilma Santos.
From all of us, here at HATAW congratulations and condolences to you Ate Vi and to Recto family.
EMIL PADEN NG CALOOCAN FIRST WEEKLY WINNER SA “THAT’S MY TAMBAY” NG EAT BULAGA
Trending na sa Internet ang Pakontes o segment sa Eat Bulaga na “That’s My Tambay.” Well, talagang tututokan ito ng lahat ng mga Dabrkads dahil first time, lang nagkaroon ng ganitong klaseng segment sa telebisyon na ang bida ay mga tambay na minemenos at kinaiinisan sa ating bansa. Pero ngayon, dahil sa Bulaga ay hinahangaan na sila at unti-unti nang nabu- bura ang hindi nila magandang imahe. ‘Yan naman kasi talaga ang layunin ng mga taong nasa likod ng nasabing number one and longest-running noontime variety show ang mabigyan nila ng pagkakataon na mabago ang kapalaran ng ating mga tambayers at nagtagumpay naman sila. Last Friday para sa kanilang kauna-unahang Weekly Finals ay si contestant #2 Emil Paden ng Caloocan City ang itinanghal na winner na nag-uwi ng P50K plus Extreme Magic Sing. Tinalo ni Emil ang mga co-weekly finalists na sina TJ Franciso, Dennis Santos, Justin Guillarte at Josmel Andalis. At ang gagaling ng lahat hindi lang sa pagsagot sa question and answer ng EB hosts kundi sa mga ipinamamalas na talent ng bawat kalahok.
Peter Ledesma