NATUTUWA si Ritz Azul dahil maganda ang kanyang papel bilang asawa ni Derek Ramsey sa bagong drama series ng TV5 na For Love or Money.
Nang nakausap namin si Ritz sa laro ng PBA D League kamakailan, sinabi niya na hindi lang sa pagpapa-seksi siya nagpapakitang-gilas, kundi na rin sa pag-aarte kasama sina Derek at Alice Dixson.
Unang nagkasama sina Ritz at Derek sa Kidlat samantalang nakatrabaho na ni Ritz si Alice sa Glamorosa.
Sa isang eksena, nagsuot si Alice ng two-piece bikini na hindi pa niya ginagawa sa mga rati niyang pelikula.
Sa panig ni Ritz, sanay na siya na magsuot ng bikini dahil nagawa niya ito sa Misibis Bay at sa pagiging cover girl ng isang men’s magazine.
“Mature kasi ang role ko sa ‘For Love or Money’,” ayon kay Ritz. ”Marami ang natutuhan ko kay Alice at maganda ang chemistry namin ni Derek. Experiment ito ng TV5 kaya weekly naipalalabas.”
Kinompirma ni Ritz na magpapalabas ang TV5 ng replay ng For Love or Money, kasama ang Positive ni Mart Escudero, tuwing Linggo ng gabi mula10:00 p.m.-12:00 midnight pagkatapos ng The Mega and the Songwriter.
“Catch-up kasi tuwing Sunday para sa mga hindi nakapanood sa Thursday,” dagdag ni Ritz. ”May replay din ng ‘Misibis Bay’ ko araw-araw.”
James Ty III