SI NORA Aunor, 61, (Mayo 21, 1952), ay isang certified addict in different degrees.
Noong Dekada ‘70 (1970s) pa lang ay nag-umpisa na siyang magumon sa pera, alak, sigarilyo, sex at sugal.
Kung kailan siya nabulid sa droga, sa kanyang buong kamalayan at sistema, ay tanging siya at ang matatalik lang niyang mga kaibigan at kasamahan ang makapagsasabi.
Maraming kuwento noon sa mga shooting ng pelikula at taping sa TV kung pa’no mag-jamming sina Guy at ang mga katropa niya. Ano ba ang resulta sa kanyang naging relasyon sa mga Richard Merck, John Rendez at iba pang kahanay nila?
But “the height” of her drug days ay nang masakote siya sa U.S. na may dalang droga sa kanyang bag. Kung ano-anong mga balita ang lumabas at naligaw hanggang isang araw nasumpungan na lang ang report na siya’y ikinasal na sa kapwa tomboy na si Nori Sayo, na umano’y siya rin tumatayong manager niya noon.
Superstar, Superstir!
Ang pagiging sugapa ni Nora sa sugal ay naibalita sa halos lahat ng sulok sa U.S. at Pilipinas. Kamakailan, sa Macau naman siya nababalitang nagliliwaliw at pati ang dating Noranian na si Anthony Solis ay nabubuwisit na umano sa kanya, ayon sa showbiz grapevine.
Binabanggit ko ang mga ito dahil napapanahon na siguro upang pumili at magbigay-pugay tayo sa modernong Pilipino na sugapa sa maraming bagay. Tutal, ang Pilipinas ay isa sa mga sentro ng drug at sex trafficking sa buong mundo at ang pagsusugal ay pumalit na yata sa dati nating “pastime” na tsismis.
Kaya napapanahon na rin na tanghaling “National Addict” si Nora Aunor bilang pagbibigay natin ng halaga sa lahat ng klase ng mga addict sa Pilipinas, kasama na ang ma addict sa pork barrel sa politika at gobyerno.
Kung mayroon tayong “Pork Barrel King” na naturingan at “Pork Barrel Queen” na tinatawag, natural na dapat ay magkaroon din tayo ng “National Addicts,” at “National Scam Artists.”
At napag-uusapan na rin lang, may mga haka-haka na any moment ay baka i-announce na ng Pork Barrel King ang mga napiling National Artists kuno ng administrasyong ito bilang tugon sa naunang apat na National “Con Artists” ng bilanggong dating Pangulong GMA.
Dapat ay sabay na parangalang National Artists sina Nora Aunor at Carlo J. Caparas at isama na rin ang dating pinulitikang National Artist na si Eddie Romero.
Teka nga pala, ano bang pelikula ang maaaring ikarangal nina Romero at Caparas upang matawag silang National Artists for Film? Isa, dalawa, wala!
Parang si Dolphy rin. Ano bang magandang pelikula mayroon ang yumaong komedyante upang i-consider siya bilang National Artist for Film? Wala akong makita kundi pawang potboilers.
Sa madaling salita, pulos mga pelikula lang na ang tanging dahilan kaya ginawa ay upang kumita at kumita sa takilya. At na-achieve na nina Carlo at Dolphy ang box-office success noon para sa “pekeng” pelikula nila.
So what do they need the National Artist for? Masyado na bang “commercial” ang kalakaran ng National Artist, maliban sa pagiging “political” at pamumulitika nito?
Pero si Nora Aunor ay karapatdapat na hiranging National Artist dahil sumisimbolo siya ng maraming mga miserableng Pilipino na walang sapat na trabaho at ikinabubuhay nang matiwasay.
Hayon nga at pati ang TV5, ang layaw na network na nagkamaling kunin siya ay ‘di na yata nagbabayad sa kanya sa maraming kadahilanan.
Remiss sa trabaho. Late o wala sa taping. Umaalis ng bansa nang ‘di nagpapaalam at iniiwang nakatiwangwang ang naka-schedule na trabaho. Etc, etc, etc.
Hanggang marami ang ‘di natututo ay tila ‘di rin matututo ang isang Nora Aunor. Gaya ng maraming Pilipino.
In short, Nora as National Artist is a “right choice.” But we are sending the “wrong signal.”
Mabuhay ang mga addict sa loob at labas ng gobyerno.
Art T. Tapalia