TAMA ang sinabi ni Gretchen Barretto. Aware naman daw siya na sa ating kultura ay sinasabing kailangang sundin at igalang ang ating mga magulang. Aware rin naman siya bilang isang Kristiyano sa utos ng Diyos na ”igalang mo ang iyong ama at ina” at iyon lang ang utos na may karugtong pang pangako, ”at lalawig ang iyong buhay”. Pero ang katuwiran nga ni Gretchen, may katungkulan din naman ang mga magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak sa ano mang pagkakataon.
Lumalabas sa mga kuwento ni Gretchen ngayon na hindi nga napangalagaan ng mga magulang niya ang kanyang kapakanan simula pa noong una.
Matapos siyang pagbintangan ulit ng kanyang inang si Inday Barretto na sinisira raw ang kanyang mga magulang, inilabas ni Gretchen ang panibagong kuwento. Hindi raw totoong P15,000 lamang ang kinita niya sa kanyang unang pelikula. Binayaran daw siya ng Regal Filmsng P50,000 para roon. Mula rin daw sa kanyang kinita sa mga pelikula niya, mga TV show, at mga commercial endorsement, nakabili ang kanyang mga magulang ng dalawang lote sa Acropolis mula sa isang nagngangalang Totie Carino. Pero dahil siya ay menor de edad, nalagay ang titulo sa pangalan ng kanyang mga magulang.
Nalaman na lang daw niya na ang mga lupang iyon ay ipinagbili na ng kanyang mga magulang nang hindi man lang sinasabi sa kanya.
May sinabi pa siyang may pagkakataong ang kapatid niyang si Marjorie ay niregaluhan niya ng isang Rolex watch. Hiniram daw iyon ni Inday at nang binabawi na ni Marjorie, sinabi lang niyon na naipagbili na niya ang relo.
Sinabi rin ni Gretchen na imposible ang sinasabi ng kanyang inang si Inday na ang nawalang alahas noon sa Miladay ay sa kanya, dahil ang tatay daw niya ay nagtatrabaho noon sa Miladay bilang isang runner at kumikita lamang ng P3,000 sa isang buwan, kaya imposibleng makabili ng ganoong alahas ang kanyang ina.
Mayroon din daw siyang ginawang show sa Singapore na malaki ang talent fee niya pero binigyan lang siya ng ina ng 50 Singapore dollars, habang iyon ay nag-shopping nang nag-shopping doon.
Mukhang marami pang mga akusasyong mailalabas si Gretchen, at mukha ngang nakabubuo na ang publiko ng opinion tungkol sa mga nabubulgar na mga bagay ngayon.
GMA, posibleng tirikan ng kandila kung natuloy ang pagsasama nina Jeron at Daniel
ANG tindi ni Jeron Teng ha. Noong mag-cameo role siya sa Got to Believe, nadagdagan ng 1.3 ang ratings noon sa AGB Nielsen. Dati nang mataas ang ratings ng show dahil sikat naman talaga ang bida roong si Daniel Padilla, pero malaki pa ang nadagdag nang maging guest si Jeron. Ibig sabihin malaki pa ang market na hindi nila nakukuha. Mga sports fan siguro iyon.
Pero siguro nabuhayan ng loob ang kalaban nila dahil cameo role lang pala ang ginawa ni Jeron. Kung hindi, aba eh baka nga tirikan na ng kandila sa undas ang show na kalaban nila. Aminin natin talagang patay na sila kung magkasama ang lakas nina Jeron at Daniel.
Ed de Leon