SA pamamaalam ng programang Wowowillie, hindi si Willie Revillame ang nawalan ng trabaho kundi ang mga tauhan n’yang sinusuwelduhan para mapaganda ang programang pantanghali.
Nawala rin ang mga pangarap at pag-asang magkabahay at magkapera, ng mga sumasali sa game ng TV show. ‘Yung mga sumasali sa Wheel of Fortune at ATM show ng programa.
Hindi nakapagtataka, kung bakit maraming tagahanga ang napaiyak sa pamamaalam ng TV host. Saan pa sila pupunta para magkapera nang hindi manghihinge o magpapalimos para magkapera.
Maging si Rufa Mae Quinto ay napaiyak dahil kung kailan pa nagka-break mag-host at maging close kina Mariel Rodriguez, Grace Lee, Randy Santiago, at Willie, at saka nagwakas ang pagpapalabas ng Wowowillie.
Lalong napaiyak mga tagapanood ng programa ipakita ni Willie ang katapangan at kabayanihan ng ating mga sundalong nakipaglaban sa MILF sa Zamboanga.
Pangunahing layunin ni Willie na mapaligaya ang mga tagapanood na matulungan sila sa kahirapan. Lalo na ‘yung mahihirap at talented Filipino artist dahil kung walang kinakapitang malakas na tao na may koneksiyon sa showbiz industry walang mangyayari sa kanila.
Nalulungkot ang actor/TV host, na kung kailan pa malapit ng mag-Pasko, at saka dumating ang matinding dagok sa programa nila.
Sa last episode ng programa, dumating si Sen. Manny Villar na nakapagbigay na ng maraming bahay at lote sa mga nananalong contestant. Naroon din si Camille Villar na mahal pa rin ang showbiz kahit tapos na ng pag-aaral sa Spain. Dumating din sina Lovely Abella, Arci Munoz at mga dating co-host ni Willie. Mabuti naman hindi naging maramot ang TV5 sa pagbibigay oras sa programang namaalam kahit lampas na sa oras ang palugit na hininging favor ni Willie.
Masaya pero maraming umiyak sa unti-unting pagbaba ng telon ng programang pang masa, ang Wowowollie.
Ipinangako naman ni Willie na muli siyang magbabalik hindi lamang alam kung saang station at kailan. Hindi si Willie ang nawalan sa pagkakataong ito, (dahil rich s’ya) kundi sambayanang umaasa sa kanyang programang magbibigay ng biyaya kapag pinalad sa pagsali sa alinmang timpalak.
Vir Gonzales