POSIBLENG pinakamalaking challenge sa acting career ni Cristine Reyes ang pagbibida niya sa sequel ng pelikulang Miss X na tinampukan ni Batangas Governor Vilma Santos more than 30 years ago.
Ang naturang sequel ay ipo-produce ng Viva Films at pamamahalaan ni Direk Gil Portes. Ito ay kukunan sa Amsterdam na kilala ang red light district nito sa sex trade. Dito rin kinunan ang original na pelikula ni Gov. Vi na ipinalabas noong 1980.
Gagampanan ni Cristine ang anak ng karakter ni Vilma na hahanapin ang kanyang ina sa Amsterdam at dito ay masasadlak siya sa pagtatrabaho bilang sex worker sa isang website na kalaunan ay magiging window prostitute.
Ayon kay Direk Gil, bagay na bagay daw kay Cristine ang pangunahing papel sa sequel nito kaya niya napiling gumanap sa title role. “Iyong looks niya, iyong itsura niya, bagay na bagay na maging Miss X.”
Pagdating naman sa pagiging bold and daring ni Cristine sa pelikulang ito, sinabi ni Direk Gil na depende raw ito kay Cristine kung hanggang saan ang kaya niyang gawin at ipakita.
“Depende kay Cristine. It depends on Cristine on how far she is willing to go. Definitely, it will be in good taste. It can be more daring and adventurous. It can be more daring than the Vilma Santos film,” ayon pa kay Direk Gil.
Sa original na pelikulang Miss X , si Vilma ay naging biktima ng illegal recruiter, kaya siya nasadlak sa Amsterdam bilang prostitute.
Definitely ay magandang materyal ito at big break para kay Cristine upang ipakita niya sa madlang pipol na may K rin siya sa acting at hindi hanggang pa-cute lang ang kaya niyang gawin. And naniniwala kami na dahil maganda nga ang materyal at magaling si Direk Gil, eto na ang chance ni Cristine upang finally ay kilalanin na rin siya bilang tunay na aktres sa industriyang ito.
Nonie V. Nicasio