USAP-USAPAN ang magandang pagtanggap ng publiko sa pelikula ni Joey Paras, ang Bekikang, Ang Nanay Kong Beki na idinirehe ni Wenn Deramas mula sa Viva Films.
Bukod sa Graded B ito ng Cinema Evaluation Board (CEB) marami ang nagsasabing napatawa, napaiyak at nagalingan sila sa acting na ipinakita ni Joey sa kanyang launching movie. Kaya naman ang tanong ng marami, si Joey na kaya ang tatalo o puwedeng ipantapat kay Vice Ganda?
Kung pagbabasehan ang naging response ng mga taong nakapanood ng kanyang pelikula, posible, baka o malay natin. Pero kailangan pa nating hintayin kung magkano ang kinita nito sa takilya. Marami ring bagay na dapat pang patunayan si Joey para maabot ang kinalalagayan ngayon ni Vice.
Samantala, sinasabing ang pelikulang Bekikang ay magpapa-iyak at magpapatawa sa sinumang manonood. Isang comedy movie ito pero, aantigin ang inyong mga damdamin.
Palabas na ngayon sa mga sinehan ang Bekikang at kasama rito ni Joey sina Tom Rodriguez, Tirso Cruz III at marami pang iba.
“Malakas ang hatak ni Joey sa masa,” minsang nasabi ni Direk Wenn kay Joey na nagsimula ang career sa teatro at nanalo na ng acting trophy sa 2013 Cinemalaya Independent Film Festival para sa kanyang supporting role bilang cyber-scammer na si Jason Paul Laxamana sa Babagwa.
Nagmula si Joey sa Tanghalang Pilipino Actors Company at nakalabas na sa mga teleseryeng Ikaw Sana, The Last Prince, Kapag Puso’y Nasugatan, Petrang Paminta, at kasama siya ngayon sa Galema, Anak ni Zuma. Napanood naman siya sa mga pelikulang Sisteras at Bromance: My Brother’s Romance, na parehong idinirehe ni Direk Wenn.
Maricris Valdez Nicasio