BAGAY NA BAGAY kay Felix Roco ang role na ginagampanan niya sa bagong drama series ng TV5, ang Positive na pinagbibidahan ni Matin Escudero at idinidirehe ni Eric Quizon.
Isang band member na kaibigan ni Martin ang role ni Felix. Payat at mahaba ang buhok ni Felix na malayong-malayo sa rati niyang wholesome image gayundin sa hitsura ng kanyang kambal na si Dominic.
“It’s better na rin sa amin ni Dom na magkaiba ang hitsura. Mas okey na ring ganito hitsura ko, tapos si Dom ang prim and proper,” ani Felix nang minsan naming makahuntahan sa paglulunsad ng sinasabing drama with a purpose. With a purpose, dahil na rin sa marami ang matutulungang televiewers ukol sa kung paano nakukuha ang HIV.
Samantala, naikuwento ni Felix na okey na sila ng kanyang amang si Bembol. Kung ating matatandaan, hindi maganda ang relasyon ng mag-ama pero ngayon, sinabi nitong, “Okey na kami. We’re on good terms.”
Idinagdag pa ni Felix na mayroon silang ginagawang indie film ng kanyang ama.
Inamin din ni Felix na minsan siyang nalulong sa recreational drugs noong mga panahong nagrerebelde siya sa kanyang ama.
“Yeah, it was a phase, yeah.. Ayun, yes… Paminsan-minsan kasi hindi natin maiiwasan iyon, ‘di ba? Nadadala rin kasi ng pera,” pag-amin nito.
Subalit, itiginil na raw niya ito at iginiit na natuto na siya sa kanyang pagkakamali. “Natututo rin naman tayo. Roon tayo natututo sa pagkakamali natin,” aniya pa.
Samantala, medyo naiinggit daw siya sa napakagandang role ni Martin sa Positive dahil, “Ang dami kasi niyang naikamang babae rito sa Positive, ako wala. Sana magkaroon, hahaha!”
Pero kidding aside, hanga si Felix sa bagong drama series ng TV5 dahil, “Mas maganda itong paraang ginawa ng TV5 (ginawang drama series) para mas maintindihan pa. Before kasi puro informative lang tungkol sa HIV o AIDS. Pero kapag ginawa na palang drama, mas madaling maintindihan.”
Very thankful naman si Felix sa ibinibigay na proyekto sa kanya ng TV5. “Sana magtuloy-tuloy at nagpapasalamat ako sa TV5 na naisama ako sa ganitong klase ng panoorin na marami talagang matutuhan ang viewers.”
Sa kabilang banda, ginagampanan ni Martin ang papel ni Carlo na nagkaroon ng HIV. Hindi niya alam kung paano siya nagkaroon nito kaya naman babalikan niya ang lahat ng nagkaroon sa kanyang kaugnayan para malaman kung sino ang nakapag-infect sa kanya ng Human Immunodeficiency Virus o HIV.
Gumaganap na asawa ni Martin sa Positive si Helga Krapf at ang mga naging babae naman niya sa drama series na ito ay sina Rufa Mae Quinto, Mercedes Cabral, at Malak So Shdifat. Kasama rin dito si Bianca Manalo, HIV counselor na nagkaroon din siya ng relasyon.
Maricris Valdez Nicasio