ISANG exciting realiserye na naman ang handog ng ABS-CBN sa kanilang mga tagasubaybay na tiyak na muling magpapasaya sa mga manonood. Ito ay ang I Dare You na mapapanood na simula Sabado (Oct. 12).
Kasama sa I Dare You sina John Prats, dating Pinoy Big Brother housemate Deniesse Aguilar, Robi Domingo, at Melai Cantiveros. Susubukin ng I Dare You ang lakas ng loob at tibay ng damayan ng mga magkakasanggang Celebrity Kakampi at Bidang Kapamilya sa kanilang pamumuhay at pagsuong sa mga pagsubok nang magkakasama.
Ang mga Bidang Kapamilya ay mga karaniwang Filipinong araw-araw na hindi inuurungan ang mga totoong hamon ng buhay, gaya ng mga bumbero, sports coach, magsasaka, atleta, sundalo, traffic aide, guro, at iba pa. Sila ang mga tinaguriang ‘unsung heroes’ na walang sawang kumikilos o kumakayod para makatulong sa iba.
Kung ang Season 1 ng I Dare You ay nakatuon sa mga pagsubok na kailangang malampasan ng celebrities upang manalo ng premyo para sa Bidang Kapamilya, nakasentro ang Season 2 sa pagbabagong sabay na haharapin ng dalawa para sa kanilang sarili, pamilya, at komunidad.
Ibinahagi ni John na bilang hosts, kailangan din nilang malampasan ang ibang pagsubok sa programa na pinagdaraanan ng parehong celebrities at Bidang Kapamilya.
“‘Yun ang maganda ngayong season, may immersion, hindi lang parang gagawin mo siya ng isang araw, na ganito, magbenta ka sa palengke. Mas naiintindihan ko na ang buhay ng iba. Hindi ko akalaing kakayanin ko ‘yung mga pinasok ko, pero noong nandoon na tapos may mga nakasalalay, ginawa ko. Masarap na nakatutulong ka sa iba,” ani John.
Ayon naman kay Robi, minsa’y umaabot pa sa lima hanggang halos isang buwan na magkasama ang Celebrity Kakampi at Bidang Kapamilya. “‘Yung ibang celebrity hindi umuuwi, o kung umuuwi man babalik at babalik sila para makabuo ng koneksiyon, para isabuhay ang experiences ng Bidang Kapamilya. It’s reality at its finest,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sa show, ipakikita naming hindi mo kailangang maging Andres Bonifacio o Jose Rizal para matawag na bayani. Ibibida namin ang mga taong akala mo simple ang ginagawa pero sobrang laki ng impact sa iba, mga taong hindi naghahanap ng karangyaan at kapalit. Ito ang mga kuwentong dapat na ibahagi dahil nakaka-inspire.”
Excited naman si Deniesse sa pinakauna niyang hosting project pagkatapos lumabas sa Bahay ni Kuya. Bukod daw kasi sa natutuhan niya kung paano magbato ng linya, natuto rin siyang makisalamuha at maki-relate sa mga Bidang Kapamilya.
“Malaking opportunity at break talaga ito sa akin. ‘Doon ako nagpapasalamat dahil nag-grow ako as a host and as a person,” pahayag ni Deniesse.
Ibinahagi rin ni Deniesse na iba-iba ang papel nila bilang hosts sa realiserye ngunit magsisilbi siyang kabarkada o sandalan na nakikinig sa mga hinaing at tagatanggal sa bigat na kanilang nararamdaman.
Samahan sina John, Deniesse, Robi, at Melai sa pagbida sa mga Kapamilyang hindi inuurungan ang mga totoong hamon ng buhay sa I Dare You Season 2, simula sa Sabado ng gabi (Oct 12), pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya.
Maricris Valdez Nicasio