LAST September 17 was a rainy day. Pero kahit malakas ang ulan ay nagbiyahe from Parañaque City to White Plains, QC ang mag-asawang Tirso Cruz III and Lyn Ynchausti Cruz para dalawin ako. Lumundag ang aking puso, iba kasi kapag si Tirso ang pinag-usapan. Kay tagal na namin magkakilala, 1969 pa. Imagine, 44 years ago. Original Tirsonian ako. He was 17 then at ako naman ay 18 years old. Nag-aaral siya sa Trinity College at nagsisimulang mag-showbiz, samantala ako naman ay nasa Jose Rizal College.
I will share my stories about Pip noong panahon namin. Pero gusto ko munang pasalamatan silang mag-asawa for their visit and prayers na damang-dama ko ang katapatan. Ipinakita nila ang kanilang concern sa aking kalagayan. Para kaming hindi senior citizens ni Pip, hahaha! Magtinginan lang kami ay alam na ng bawat isa ang sari-saring episodes ng aming mga buhay.
Noong April 1969 ay nag-prodyus ako ng “Summer Disco Affair” sa quadrangle ng JRC. I need a male personality as guest. Si Ricky Belmonte ang una kong pinuntahan sa Tondo. Hindi siya puwede at inirekomenda na puntahan ko raw ang pinsan niyang si Tirso Cruz III na nagsisimula pa lamang. Sa El Bodegon siya kumakanta at regular guest sa TV show titled “9 Teeners.” Nehru shirt pa ang uso noon. Agad ko naman tinungo ang 9-E Sto.Tomas Street, QC (near Welcome Rotonda). Sa 20-door apartment pa unang tumira ang pamilya ni Pip noon.
Tinanggap naman nina Mommy Elma, Daddy Groovy at Lola Lorraineang aking imbitasyon para kay Pip. Dumalo sila sa pagtatanghal. At ‘yun na ang simula ng pagtungo-tungo ko sa kanilang apartment. Isinasama niya ako sa ABS para sa kanyang “9 Teeners.” Nagtataksi lamang kami. Uso pa ang vendo machine sa studio, kapag kailangan mo ng sandwich and drinks. Palihim na rin naninigarilyo si Pip noon, dahil ipinauuwi nya sa akin ang natitira na dalhin ko raw kinabukasan. Nagkaroon pa sila ng “Oras Ng Ligaya” nina Sylvia La Torre.
Naging malapit ako sa pamilya at nasaksihan ko ang paglaki ng pangalan ni Pip. Mula sa JBC Productions, Tower Productions, nabuo ang love team nila ni Nora Aunor. Naka-extra pa nga ako sa “Halina Neneng Ko” na idinirek ni Ateng Osorio (Consuelo Padilla Osorio) Naging top moneymakers sila ng Sampaguita Pictures. Nagkaroon ng iba’t ibang TV shows si Pip gaya ng”Pip Show,” “Catch Up With Tirso,” “Tirso, His Music & His Friends” atbp. Andon talaga ako sa oras ng kanyang kasikatan.
In 1971 ay nagprodyus ako ng “Tirso Cruz III’s 3rd Anniversary In Showbiz” na ginanap noong November 11, 1971 sa Life Theater sa Quiapo. Halos bumagsak ang Balcony ng sinehan sa kapal ng tao. Naroon sina Guy and Pip plus ang anak nilang manyika na si Maria Leonora Teresa. Mga hosts ko sina Inday Badiday, Ike Lozada, German Moreno, Helen Vela at Mely Factora. Daming mga artistang nagtanghal. Grabe. Isa ‘yan sa most memorable experience ko with Pip.
Mula Sto. Tomas Street ay lumipat sina Pip sa Scout Gandia, QC. Araw araw ay maraming fans ang nagtutungo, na inaasikaso kong mabuti. Hanggang nakabili sila ng malaking tahanan sa 9th Street, New Manila, QC. Kapag opening day ng pelikula ni Pip ay tinitiyak namin na present ang mga Tirsonians with matching streamers and balloons. Kapag “Pip Show” naman sa dating KBS sa Dewey Blvd., ako ang may permisong magpapasok sa studio ng 50 fans ni Pip every Sunday. Talagang naka-focus ang kabataan ko kay Pip noong nagsisimula siya hanggang sa “Guy & Pip” days.
Mga 1975 ay tumamlay ang love team nina Nora at Tirso nang sumulpot si Christopher de Leon at pinakasalan ni La Aunor noong 1976 sa isang beach sa La Union (I was there also). Pero nagkasama ang tatlo sa isang pelikula,”Mahal Mo, Mahal Ko.” Ang inyong kolumnista naman ay naging house PRO ng biggest film company noong 1977-1982, ang Agrix Films ni Mr. Sofrono Blando (sln). Kaya nagkaroon na kami ng magkaibang daigdig ni Pip.
Subalit andyan lang ang ‘di malilimutan naming pinagsamahan. Natutuwa nga ako dahil sa ngayon ay inirerespetong aktor si Pip. Isa siya sa mahuhusay nating bituin. At bukod sa magandang career ay napaka-ideal din ng kanyang binuong pamilya. I salute you, idol Pip!
Chito Alcid