MASAYA si Aga Muhlach sa pagkukuwento na tinawagan siya ni TV5 Chairman Manny V. Pangilinan para bigyan ng moral support dahil sa pagkatalo sa nakaraang eleksiyon.
Nasa New York siya nang tawagan siya, ”I’m just happy and I wanna thank MVP because right after the election, I was in New York, tumawag siya and he said, ‘Aga don’t worry, nandito kami, hindi ka namin pababayaan. You’re still with us and we need you’.”
Matatandaang ilang buwang hindi umere ang kanyang Pinoy Explorer dahil sa pagkandidato pero ngayong tapos na ang eleksiyon, sobra ang katuwaan niya at malaki ang pagpapasalamat kay MVP dahil isinama ang kanyang programa sa launching ng walong primetime weekend recently.
Pagkatapos ng presscon, agad siyang kinuyog ng press para malaman ang plano nito sa politika pagkatapos matalo sa Camsur. “Hindi naman sa hindi na (babalik sa politika), hindi naman sa hindi, ayaw kong magsalita ng patapos pero now, ‘pag malinis na (ang gobyerno).”
Matatandaang panalong-panalo siya noon sa unang bilangan ng boto kaya lang biglang nahinto ang bilangan at nang nag-resume, siya ngayon ang nalamangan ng kalaban. Kaya naman, gumawa agad siya ng protesta at naka-file na ito, para lang makita kung sino talaga ang nanalo.
Sa tono ng pananalita ng aktor ay wala na itong balak bumalik sa politika dahil kung ating lilimiin, parang napakalaking imposible ngayon na malinis ang ating gobyerno lalo pa mainit na pinag-uusapan ang pork barrel scam na mga senador at kongresista mismo ang itinuturong lumustay ng kaban ng bayan.
“Bakit, malay mo luminis na” pabirong one-liner ng aktor sabay ang pag-amin na nasa panig siya ng tamang daan o landas at wala siyang planong baluktutin ito. Sabay dito ang pag-amin ng 44 years old actor na sa buong buhay niya, hindi siya nagnakaw at hindi gumawa ng kasamaan sa tao, “Ngayon ko pa gagawin ‘yun (mandaya)? Sayang.”
Alex Datu