BIGGEST BREAK ng versatile na komedyanang si Tuesday Vargas ang pelikulang Ang Turkey Man Ay Pabo Rin, isa sa walong pelikulang kalahok sa CineFilipino Festival.
Ayon sa aktres, ibang Tuesday ang mapapanood sa kanya rito. “OO, kasi, hindi ako madalas nakikita na nagseseryoso. Makulit ang character ko rito, pero makikita nila na kapag nade-develop na ‘yung story, makikita nila iyong other side ni Cookie (karakter niya rito), na malalim pala ang pinaghuhugutan,” panimulang saad niya.
Hindi raw niya inaasahan na magiging bida na siya sa pelikula, kaya raw nagulat siya nang nalaman ito.
Saad pa ng TV5 contract artist, hindi siya nag-e-expect ng award dahil ang mga posibleng makalaban niya rito ay sina Nora Aunor at Angel Aquino na pawang mga premyadong aktres. “Salamat po kung sakali, nakagugulat po iyon,” nakatawang saad niya.
“Hindi ko po sinasabi na magkakaroon tayo ng favorable na result papunta sa akin, pero just to be nominated alongside the one and only superstar, is such an honor na po e,” nakangiting saad pa niya.
Umaasa si Tuesday na magtutuloy-tuloy na ang magagandang break sa kanyang career sa showbiz. Bukod sa pelikulang ito, kasama rin si Tuesday sa bagong gag-show ng TV5 na pinamagatang Tropa Mo Ko, Unli, with Ogie Alcasid at Gelli de Belen.
Bukod kay Tuesday, ang Ang Turkey Man Ay Pabo Rin ay tinatampukan din nina Travis Kraft, Julia Clarete, Cai Cortez at JM De Guzman, mula sa direksiyon ni Randolph Longjas.
Ang gala week ng CineFilipino Festival ay magsisimula sa September 18 sa Newport Cinemas sa Resorts World Manila sa pamamagitan ng pelikulang Puti sa ganap na 7 pm. Tampok dito si Ian Veneracion at ang TV5 primetime princess na si Jasmine Curtis-Smith. Ito’y mula sa direksiyon ni Mike Alcazaren. Susundan ito ng Bingoleras ni Ron Bryant. Ang casts nito ay pinangungunahan nina Eula Valdez at Mercedes Cabral.
Sa September 19 naman mapapanood ang Ang Turkey Man ay Pabo Rin na susundan ng obra ni Direk Janice Perez na may titulong The Muses starring Janelle Jamer at Kitchie Nadal.
Dapat naman abangan ng mga Noranians ang movie ni Ms. Nora Aunor sa September 20 Gala Night na pinamagatang Ang Kwento ni Mabuti ni Direk Mes de Guzman, na susundan ng Ang Huling Cha-Cha ni Anita ni Direk Sigrid Bernardo na pinagbibidahan naman ni Angel Aquino.
Ang magkapatid namang filmmaker na sina Sari at Kiri Dalena ay gumawa ng docu-dramang Guerilla is a Poet na tampok sina Karl Medina, Angeli Bayani, Bong Cabrera, RK Bagatsing, Channel La Torre, at Marcus Madrigal. Ito’y mapapanood sa September 21, kasunod ang obra naman ni Direk Ato Bautista na may titulong Mga Alala ng Tag-Ulan na nagtatampok kina Mocha Uson, ang Artista Academy alumnus na si Akihiro Blanco, Lance Raymundo, at Mon Confiado.
Ang festival na ito ay handog ng PLDT-Smart Foundation, MediaQuest, Studio 5 and Unitel Entertainment with Newport Cinemas of Resorts World Manila, Lucky Chinatown Mall at Gateway Cineplex as partner venues.
Bukod sa walong kalahok na pelikulang tampok sa CineFilipino Festival, mapapanood din dito ang 10 short films.
Nonie V. Nicasio