GUSTO naming klaruhin ang tungkol sa titulong Comedy Queen na pagmamay-ari raw ni Maricel Soriano base na rin ito sa ginanap na presscon ng Momzillas sa Dophy Theater noong Martes.
Sa pagkakaalam kasi namin ay hindi comedy queen ang ibinigay kay Maricel kundi Diamond Star at Taray Queen, tama po ba ateng Maricris?
At ang ang titulong Comedy Queen ay kay Ai Ai de las Alas ibinigay ng taumbayan simula noong nagkasunod-sunod na kumita ang mga pelikulang Tanging Ina niya tuwing Metro Manila Film Festivals at noong nagko-concert na ay tinawag na siyang Comedy Concert Queen.
Kaya namin ito klinaro ay dahil sa tanong kasi kay Maricel na posible bang ipasa niya kay Eugene Domingo ang titulong Comedy Queen na sinagot naman ng Diamond Star ng ‘posible’ dahil nga nakitaan niya ng pagpupursige sa trabaho niya ang kasama niya sa Momzillas.
Ang alam namin ay hindi puwedeng ipasa ni Marya ang titulong Comedy Queen sa ibang komedyana dahil hindi naman niya iyon pag-aari.
Timing naman na taping ng Toda Max noong Martes at isa si Ai Ai sa cast ng sitcom kaya’t kinunan namin siya ng komento tungkol sa pagbabalik ni Maricel na idolo pala niya rin tulad ni Uge.
“Natutuwa ako sa pagiging aktibo muli sa industriya ni Diamond Star, alam naman natin na matagal na siya at bata palang nasa showbusiness na siya, si Inay. Inay tawag ko r’yan, nanay ko ‘yan, eh so masaya ako at nagbabalik- pelikula na siya.
“Of course alam naman natin na ang bestfriend kong si Uge, eh, talagang natutuwa ako sa mga bagay na nangyayari sa kanya lalong-lalo na noong nakapagbida na siya sa pelikula, basta lahat ng artistang umaasenso, masaya ako for them talaga,” say ni Ms A.
Tinanong namin ang tungkol sa titulo niyang Comedy Queen kung may pagpapasahan din siya nito kung sakali.
“Actually, hindi naman sa akin galing ‘yan, ang tao ang nagbigay ng titulong Comedy Queen, eh, kung may iba ring tinawag na Comedy Queen, okay lang kasi masaya ako sa achievement ng ibang tao.
“Walang kaso sa akin ang mga ganyang title, kung may gusto pang pagbigyan ang tao ng Comedy Queen, okay lang, basta ako masaya ako kay Inay sa muli niyang pagbabalik, siyempre nanay ko siya,” katwiran pa ng komedyana.
Samantala, nagkasama na sina Diamond Star at Comedy Queen sa pelikulang Separada at supporting palang noon ang huli, “tanda ko, unang araw ng pagkikita namin ni Inay, na-mesmerized ako, as in hindi ako nakapagsalita. Ganoon pala ang feeling kapag idol mo kaharap mo. Ganyan din ako noon kay Governor Vilma Santos, talagang tulala ako,” kuwento ni Ai Ai.
Kaya anumang suporta ang puwede niyang ibigay kay Ms. Maricel ay willing si Ai Ai gawin para sa kanyang ‘Inay’ at sa katunayan ay gusto niyang magsama sila sa pelikula, sana raw ay may makaisip ng magandang script sa kanilang dalawa.
Speaking of pelikula ay excited na si Ai Ai dahil sa Oktubre 2 na ipalalabas ang Kung Fu Divas.
Ang Kung Fu Divas ay debut film ni Onat Diaz ayon kay Ai Ai, “nag-ipon daw talaga si direk Onat para sa pelikulang ito, dream niya raw magdirehe ng pelikula kaya heto, exicted. Lima kaming producer dito, ang Reality Films, Si Marian, Ako, si direk Onat,at Star Cinema.”
At dahil mainit pa rin ang isyu kay Janet Napoles ay hiningan namin ng komento si Ai Ai tungkol dito.
“Naiiyak nga ako, totoo talaga, naiyak ako kasi ang laki-laki ng ibinabayad kong tax tapos lahat ng pinaghirapan ko, mayroon siya (Napoles), sana ibinigay ko na lang sa mga anak ko,” sabi ni Ms A.
Ngayong sumuko na si Napoles ay pabor ba si Ai Ai na isiwalat ni Napoles ang lahat ng politikong sangkot.
“Maski huwag na, pabor ako na ibalik na lang nila ang pera natin (taumbayan), ang problema ayaw niyang ibalik, ang dami niyang tse-tse bureche,” mabilis nitong sabi.
Regee Bonoan