MINSAN nakakuwentuhan namin si Congresswoman Vilma Santos-Recto, at alam naman ninyo iyang si Ate Vi, basta nagsimula nang magkuwento kahit na ano maaari na ninyong mapag-usapan. Madalas na kuwento ni Ate Vi kung gaano siya kasaya sa buhay niya ngayon.
Huwag nang pag-usapan iyong kanyang kalagayan. Ang sinasabi nga niya masaya siya dahil isang mabuting asawa si Senator Ralph, at masasabi nga ring suwerte siya sa kanyang dalawang anak na sina Luis at Ryan.
Pero hindi nga maikakaila ni Ate Vi na nagkaroon din naman siya ng problema noong una. Hindi naging matagumpay ang una niyang marriage, na natapos sa isang divorce. Mag-isa rin naman niyang itinaguyod ang kanyang anak na si Luis, na ok lang naman sa kanya dahil noong panahong iyon, siya naman ang kumikita ng mas malaki, at siguro nga ay nasa posisyon para maghanda ng kinabukasan ng kanyang anak.
“Pero there is one thing na sinisiguro ko. Hindi ko sinisiraan sa aking anak ang tatay niya. Hindi ko hinahayaang may maninira sa aking anak sa tatay niya. Kasi kung sisiraan mo sa kanya ang tatay niya mismo, sino nga ba ang mawawalan? Iyong bata rin ang kawawa eh. Matatanim sa isip niya, walang kuwenta pala ang tatay niya. In the end iisipin din niya, walang kuwenta ka rin dahil pinili mo ang walang kuwentang tatay niya.
“Kaya ako ang naging attitude ko noon, sinasabi ko sa kanya na may mga bagay na hindi namin napagkasunduan ng tatay niya kaya kami naghiwalay, pero hindi ko siniraan ang tatay niya sa kanya. In fact iminulat ko sa kanya ang tamang pag-respeto sa tatay niya. Kung paano ko inirespeto si Papa at kung paano ko siya, minahal. Ganoon din ang gusto kong gawin ng mga anak ko sa tatay nila.
“Mali iyong magbabangayan kayo, magsisiraan sa publiko, dahil in the end ang kawawa iyong mga anak ninyo,” sabi ni Ate Vi.
Iyan ang magandang example ng isang nanay. Hindi lang pagbibigay ng pera sa anak ang mahalaga. Kailangan matutuhan ng isang bata ang tamang values.
HATAWAN
ni Ed de Leon