SINASABI nila, wala raw pagkakaiba ang mga pelikulang tinatawag na mainstream at ang mga pelikulang indie.
“Pareho rin iyan. Parehong pelikula iyan,” sabi ng isang MMFF insider. Pero huwag nating bulagin ang ating sarili sa mga maling paniniwala. Paano natin ngayon ikakaila na mas malaki ang kinita ng pelikula ni Vice Ganda na nilalait niyang mga kasali sa festival, kaysa lahat ng walo nilang pelikulang inilabas ng 10 araw sa mga sinehan?
Paano nila ikakaila na ang mga sinehan sa probinsiya ay naglabas ng pelikula nina Vice at Vic Sotto noong panahon ng Pasko kaysa maglabas ng mga pelikulang kasali sa festival kagaya noong dati?
Paano nila ikakaila na nagbigay sila ng “bargain” sa admission prices at marami sa kanila ang halos magmakaawa sa audience para panoorin ang kanilang pelikula para manatili sa mga sinehan?
Gusto naming gawing example si Congresswoman Vilma Santos. Si Ate Vi ay gumawa ng mga malalaking pelikula. May panahong hindi press release ng kanyang mga producer, kundi kinilala siya ng mga may ari ng sinehan bilang box office queen. Noon ay iyong panahong sunod-sunod na nag-hit iyong Relasyon, Paano ba ang Mangarap, Gaano Kadalas ang Minsan, Sinasamba Kita at marami pang ibang sunod-sunod na hits na sumira ng box office records. Ang sinasabing pinakamalaking hit niya ay iyong Anak, in terms of gross pero iyon ay dahil medyo mataas na ang bayad sa sine noon.
Gumawa rin naman si Ate Vi ng mga pelikulang itinuturing na klasiko, kagaya rin niyong Sister Stella L, Pagputi ng Uwak Pag-itim ng Tagak at marami pang iba. Gumawa rin siya ng indie, iyong Ekstra. Kumita rin naman iyon pero hindi kasing laki ng kanyang mga hit movie.
Ang puntong gusto naming silipin, kahit na ang mga malalaking artistang kagaya ni Ate Vi, na ang mga pelikula ay certified hits lahat, humihina rin basta hindi maabot ng masa ang mga ginagawa niyang pelikula.
Paano mo ngayon sasabihin na iyang mga pelikulang indie na iyan ang “kinabukasan” ng pelikulang Filipino kung iyan ay hindi tanggap ng masa?
Isa pang punto, ang mga pelikula ay nagiging hit kung gusto ng mga tao ang mga artistang mapapanood nila. Paanong aangat iyang mga indie na ang mga artista ay kabilang sa mga katergoryang “has been”, “never was” at “never will be”?
“Indi” nga siguro magiging hit ang mga ganyang pelikula ano man ang pagpipilit ninyo.
HATAWAN – Ed de Leon