NAIKUWENTO sa amin ni Ate Vi (Cong. Vilma Santos) noong isang araw, inalok daw siya ni Senador Ralph Recto na pakasal ulit sa simbahan sa susunod na taon. Twenty five years na kasi silang kasal. Ikinasal sila noong December 11,1992 sa makasaysayang San Sebastian Cathedral sa Lipa, Batangas.
Kung iisipin, 25 years ago na pala iyon. Pero maliwanag pa rin sa aming ala-ala kung ano ang nangyari noon. Madaling araw pa lang nagpunta na kami sa Lipa. Pinapunta muna kami sa bahay nina Senador Ralph at Ate Vi noon, tapos after lunch nasa simbahan na kami. Nagsimula ang kasal ng 3:00 p.m.. Pagkatapos niyon takbuhan na naman kami sa Maynila dahil ang reception sa Manila Hotel.
Isa iyon sa pinakanakapapagod na coverage na nagawa namin sa aming buhay, bukod sa ginawa naming Papal Coverage noong dalawang ulit na dumalaw si Saint Pope John Paul II dito sa Pilipinas. Ang hinahabol lang namin noon, mailabas kinabukasan ang isang magazine-wedding album ni Ate Vi, na nagawa naman namin. Napakahirap ng wedding coverage basta isang sikat na artista ang ikinakasal.
Pinakamahirap para sa amin ang naging kasal ni Ate Vi kay Senator Ralph. Mahirap din ang coverage noong kasal nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Isa pa iyong naging kasal nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales sa Baguio, na nagamit ang pinakabagong teknolohiya noon, ang digital photography at ang nauuso na noong e-mail. Iyon na yata ang pinakahuli, dahil pagkatapos niyon, tinatanggihan na namin ang lahat ng coverage ng mga kasal ng mga artista.
May isa pang kasal ng artista na nai-cover din namin, na punompuno ng gimmick. Awa ng Diyos walang nangyari sa kasal na iyon. Nagkahiwalay din sila at ni hindi nagkaroon ng anak. Pero nagka-anak iyong female star sa isang later love affair matapos ang hiwalayan. Noong araw kasi, basta may ikakasal, sa amin ipinagagawa ang coverage lagi, pero ngayon ayaw na namin.
HATAWAN – Ed de Leon