KAKUWENTUHAN namin ang isang kritiko na hindi naman siguro masasabing mahilig sa mga pelikulang indie, kundi nanonood din ng mga ganoong klase ng pelikula. Bilang kritiko kasi ng mga pelikula, naniniwala siyang dapat mapanood niya kahit na anong klase pa ng pelikula iyan at saka may panahon din naman siyang manood ng manood ng sine.
Ang naikuwento niya sa amin ay isang indie film na kasama ang aktres na si Barbie Forteza. Roon daw sa limang mabibigat na eksena ng batang aktres, talagang matindi ang hagulgol niya at sinasabi nga niyang ang klase ng acting na nakita niyang ginagawa ni Barbie ay kagaya ng ginagawa ng mga sumikat na dramatic actresses noong araw. Natawa pa nga kami noong sabihin niyang “parang nakikita ko ang isang Vilma Santos”, ganoong ang kasama ni Barbie sa pelikulang iyon ay si Nora Aunor.
Kung sa bagay, nauna riyan, si Barbie ay nanalo na rin ng best actress award sa international film festival na ginanap sa Portugal. Aba, hindi rin naman masasabing basta-basta artista ang nananalo roon dahil isa iyon sa pinaka-prestigious na international film festivals. Hindi kabilang iyon sa mga hotoy-hotoy na kagaya ng napapanalunan ng iba riyan.
HATAWAN – Ed de Leon