ni Ed de Leon
MAY gagawin ba talagang pelikula si Ate Vi? Ganyan ang tanong sa amin ng isang kakilala naming Vilmanian. Nagtatanong din siya, ”talaga bang interesado pa siya sa kanyang showbiz career, dahil kung hindi na magre-retire na rin kami sa aming pagiging fans”.
Ano ba namang tanong iyan? Nakikita naman natin na sa kabila ng lahat ng kanyang trabaho bilang gobernador ng Batangas, isinisingit pa rin niya ang pagiging artista. Alam naman kasi ni Ate Vi na kung may katungkulan siya sa mga mamamayan ng Batangas, narororoon pa rin ang obligasyon niya sa fans na sumuporta sa kanya sa loob ng mas mahabang panahon. Alalahanin ninyo, na bago siya naging mayor ng Lipa, na siyang simula ng lahat, 34 taon na siyang artista at sinusuportahan ng masa. Kaya nga basta may magagandang proyekto, talagang nagpapaalam siya sa Batangas para harapin naman iyon.
Ngayong matatapos na ang kanyang term sa Batangas, sinasabi nga niya sa amin na siguro mas mahaharap na niya ang mga showbiz commitment niya. Hindi lang bilang isang artista kundi balak din niyang balikan ang pagpo-produce kagaya ng ginawa na niya noong araw dahil alam niyang kailangan ng industriya ang isa pang mamumuhunan sa pelikula. May balak din siyang mag-direhe ng pelikula.
Pero intindihin din naman ninyo ang sinasabi niya na gusto niyang matapos lahat ang mga proyekto niya bago siya umalis sa Batangas, kaya nga sa ngayon ay halos wala na siyang time. Gayunman, may mga kausap naman siya para makagawa ng isang pelikula, pero nagkasakit naman siya kaya postponed na naman iyon. Pero sinabi naman niya na basta ok na siya, sisimulan niya ang movie na iyon.
Mahirap ang role ni Ate Vi. Nagrereklamo na ang fans dahil matagal na siyang hindi napapanood, pero alam ba ninyong maaari siyang ireklamo rin kung mapapabayaan niya ang kanyang trabaho bilang gobernador, at masira pa ang napakaganda niyang pangalan bilang isang public servant?
Intindihin natin ang mga bagay na iyan. Kaunting panahon na lang, at siguro makakasama na natin siya sa showbiz ng mas matagal.