Abunda at malaking grupo ng LGBT, suportado si Mar
Hataw News Team
April 26, 2016
Showbiz
NAGTIPON-TIPON ang ilang malalaking grupo ng LGBT sa pamumuno ng mga LGBT icon na sina Bemz Benedito, LGBT group na Ang Ladlad, Rica Paras na nakilala sa Pinoy Big Brother Double Up, ang respetadong fashion designer na si Mama Renee Salud, at ang kauna-unahang Pinoy transwoman na tumatakbo bilang Congresswoman ng Bataan na si Ms. Geraldine Roman.
Ang pagtitipon ay para ideklara ang kanilang suporta kay Mar Roxas sa pagka-Presidente sa nalalapit na national elections sa darating na Mayo 2016.
Tugon din ito sa suportang ipinakita ni Roxas sa LGBT community sa pamamagitan ng pagsulong sa pantay na karapatan sa makulay na grupo ng LGBT.
Ayon kay Roxas, ibibigay niya ang kanyang buong suporta sa bawat mamamayang Filipino, kasama na siyempre ang LGBT community.
“Dapat tamasahin ng bawat Filipino ang lahat ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas ano man ang kanilang ethnicity, relihiyon, sexual orientation, at gender identity.”
Ipinakita rin ni Roxas ang kanyang suporta sa Anti-Discrimination Bill (ADB), na isa sa mga batas na kanyang isusulong mapatupad ‘di lamang sa Kongreso ngunit pati na rin sa Senado sa oras na siya ay mahalal at maupo sa puwesto bilang Presidente ng bansa. Matagal nang naka-tengga sa Kongreso ang panukalang batas na ito mula nang i-file noong 1998. Gagawing krimen ng ADB ang mag-discriminate at mag-oppress ng sino mang miyembro ng LGBT sa trabaho, eskuwelahan, pagproseso, at pagbigay ng mga professional license para sa trabaho at mga negosyo ng mga miyembro ng LGBT.
Sa ngayon hindi pa sakop ng ADB ang same sex marriage ngunit isa sa mga layunin ng mister ni Korina Sanchez-Roxas na maipatupad ang civil union para sa mga miyembro ng LGBT na may long-standing at committed na relasyon sa isa’t isa. Kikilalanin ito bilang legal na arrangement tulad ng kasal na hindi kinakailangan ng isang seremonya sa loob ng simbahan. Dahil dito, magkakaroon ang mga LGBT couple ng proteksiyon sa ilalim ng batas pagdating sa kanilang property rights, next-of-kin rights, insurance, tax breaks na mga legal rights na siya ring tinatamasa ng mga heterosexual couples na nasa isang loving at committed na relationship.
Sa kabilang banda, pinuri ni Salud ang Keribeks Gay Congress na pinamunuan ni Korina noong nakaraang taon. “Sila lang ang nag-abala at gumawa ng malaki at magandang event para sa aming mga miyembro ng LGBT. Hindi lang kami na-entertain, marami rin kaming natutuhan, at binigyan pa kami ng job fair ng Keribeks.”
Samantala, hindi nakapunta sa LGBTs For Mar ang King Of Talk na si Boy Abunda, nagpadala naman ito ng mensahe kay Benedito. Ayon kay Boy, “Ibinabato ko po ang buong suporta at boto ko kay Mar Roxas. I appreciate his respect to the LGBT community. Ang aking suporta ay buo dahil malapit sa puso niya ang LGBTs at malinaw ang plataporma niya rito.”