SA ginanap na pictorial nina Richard Poon at Richard Yap para sa upcoming concert nila sa Philippine International Convention Center sa August na may working title na Richard & Richard, nalaman naming muling aalis ng bansa ang mag-asawang RP at Maricar Reyes-Poon para sa advance 3rd celebration nila bilang mag-asawa.
Hindi binanggit ni Poon kung kailan sila aalis ng wifey niya at hindi rin daw siya kaagad nag-a-upload ng pictures nila dahil ayaw niyang nalalaman kung nasaan sila.
“Hindi kasi kami comfortable in tri-media kung anong ginagawa namin everytime or naka-pose ako na nandito ako.”
At dahil magtatatlong taon na silang kasal ay tinanong namin kung kumusta na ang pinaplano nilang magkaroon ng anak?
“Well, nagta-try naman kami after the 2nd year (marriage), there was a time na na delayed na siya, pero after mga 4 or 5 days, nagkaroon siya (Maricar), sayang,”malumanay na kuwento ni Mr. Poon.
Baka naman pagod sila pareho ni Maricar kaya hindi pa makabuo, ”hindi naman,”kaswal na sabi ng singer.
Tinanong namin kung nagpa-check up na silang mag-asawa baka may kailangan lang inuming vitamins o anuman.
“Ako, hindi pa. Siya (Maricar), nagpa-surgery siya a year and a half ago dahil may ovarian cyst siya na hindi nawawala so kailangang tanggalin, after 2 or 3 opinions (doktor). Siya palang ‘yung nagpatingin, ako hindi pa,” kuwento ng mister ni Maricar.
Base naman sa eksplanasyon ng doktor ay hindi naman daw makaaapekto ang ovarian cyst na tinanggal kay Maricar sa plano nilang magka-anak.
“Hindi naman daw. May isang doktor na nagsabing maganda raw mag-take ng folic acid (vitamin B) other than that wala naman na,” kuwento pa ni RP (tawag kay Richard).
Samantala, tinanong namin kung ano ang concept ng concert nilang dalawa ni Papa Chen.
“Hindi ko pa masyadong alam lahat ang detalye, pero siya (RY), more on pop crooning na nasa 80’s o 90’s (songs). Ako naman, swing pa rin tapos kakanta ako ng Chinese song, hindi ko lang sure kung kakanta rin siya (RY). Parang ako lang yata. Pero may duet kami ng ‘Beautiful Girl’ na ako ‘yung kakanta ng Chinese, tapos siya (RY) ang English lyrics.
“Okay na para maiba naman dahil pareho kaming Chinese at may market din kaming Chinese, may Pinoy din, pero feeling ko, may mga supporter siyang more on Chinese,” kuwento ni Poon.
Sa tanong namin kung sinong nakaisip ng concept na pagsamahin silang dalawang Richard?
“Si Erickson (Raymundo-manager), siya ‘yung nagsabing bagay kaming pagsamahing dalawa,” kaswal na banggit ni Mr. Crooner.
Sa kabilang banda, hindi na pala regular na napapanood si Poon sa ASAP20 dahil iniikot-ikot na sila at depende sa concept ng show.
Palibhasa Ateng Maricris hindi ako nanonood ng ASAP20 dahil oras ng deadline iyon kaya wala akong idea na tsugi na pala ang Sessionistas simula noong nawala si Aiza Seguera.
“Ano ka ba, wala ng Sessionistas, ang pumalit doon, love songs stories na. At saka paiba-iba ‘yung singers iniikot, si Jolina (Magdangal) lang ‘yung nagna-narrate at sa LSS na segment, paiba-iba.
“At saka hindi na rin mabubuo ang Sessionistas kasi wala na si Aiza, haligi ‘yun, eh, hindi puwedeng wala ‘yun,” kuwento ni Poon.
At kahit na walang gaanong exposure ngayon si Poon sa ASAP20 ay malakas pa rin daw siya sa corporate shows.
“Yun talaga ang market ko,” kaswal na sabi ni RP.
At habang walang gaanong show si RP ay tinutulungan naman niya ang misis niyang si Maricar sa cake business nito.
“Iyon kasi ang pang-matagalan (business), alam ko na malaki pa ang ilalaki niya, alam ng mga negosyante ‘yan, kaya lang dahan-dahan muna.
“Ngayon, wala pa kaming physical store, puro pick-up point muna so far okay naman. Pero within the year baka mag-set up na kami ng store, tapos may bago na naman kaming lalabas na (flavor), it’s mocha bourbon (like coffee), pero may alak din tulad ng chocolate cake namin (choco liquor),” kuwento ni Richard.
Tinanong namin kung bakit laging may alak or wine, na siyang trademark ni Maricar, ”oo para maiba kasi ‘yung iba, pare-pareho na lahat ng cake, eh,”katwiran ng singer.
Sino ang nag-influence kay Maricar na mag-bake, eh, parang malayo naman yata ito sa kursong tinapos niya bilang doktora at pasado sa medical licensure exam noong 2008.
“’Di ko alam, mahilig siya sa sweets, eh, sweet tooth siya. Natuto nga akong mag-dessert dahil sa kanya, tapos ako ‘yung nag-aayos ng formula ng chocolate, tapos tinikman ko, ina-adjust ko, so ‘yun ‘yung lumabas na lasa ng chocolate cake namin,” kuwento ni Richard.
Ngayon lang kami nakarinig na isang chef ay hindi mahilig sa dessert, ”ano lang, matalas ang dila ko, pero wala akong amor masyado sa sweets, eh, siya mahilig siya sa sweets so ipinatikim niya sa akin, sabi niya, ‘ito ang gusto kong gawin, ayokong mag-doktor, gusto kong mag-bake’ so sabi ko, sige mag-bake ka.
“Hindi naman pormal ‘yung training ni Maricar sa baking, nagpaturo kami sa kaibigan naming pastry chef, paturo siya sa isang professor tapos in-adjust na namin ‘yung cake, ngayon okay na, gustong-gusto na ng tao. Tapos ngayon nga, may bago na kaming lalabas in one or two months, mocha bourbon,” kuwento ni Richard kung paano nila sinimulan ang cake business nila.
FACT SHEET – Reggee Bonoan