DALAWANG beses ng nakatanggap ng best actress award si Julia Montes mula sa Gawad Tanglaw Awards 2016 para sa papel niyang kambal sa Doble Kara na napapanood sa Kapamilya Gold.
Sabi ni Julia, “isa pong karangalan na nabigyan po uli ng pagkilala ng Gawad Tanglaw. Taos-puso po akong nagpapasalamat at masaya na na-appreciate nila ang pagganap ko sa kambal.”
Naunang nanalo ang aktres bilang best actress sa seryeng Ikaw Lamang sa parehong award giving body.
Sabi nga ni Julia, “marami pang pagsubok at salpukan ang dapat abangan sa buhay ng kambal at lahat ng karakter ng show na siguradong kakapitan ng mga manonood.”
Nagpapasalamat din si Julia dahil sa patuloy na pagtutok ng mga manonood sa kanyang serye, kaya naman nananatili itong numero uno sa timeslot nito sa hapon.
Samantala, base sa nakaraang datos ng Kantar Media, nakakuha ang Doble Kara ng national TV rating na 17.2% noong Martes (Feb 23) at mas mataas sa nakuha ng kalabang programang Wish I May ng GMA na nagtala lang ng 10.7%.
Sa pagpapatuloy ng mas umiinit na kuwento ng Doble Kara ay hindi hinayaan ni Lucille (Carmina Villaroel) na masira ang kanyang mga plano ng paghihiganti at nakipagbangayan kay Laura (Mylene Dizon) upang mabawi rito si Kara. Ngunit hindi na magpapaloko pa si Kara at handa niyang harapin ang lahat ng pagpapahirap na ibabato sa kanila ni Lucille.
Huwag palampasin ang kuwento na magpapadama ng tunay na pagmamahal, Doble Kara, Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN Kapamilya Gold.
FACT SHEET – Reggee Bonoan