Bigong-bigo ang EDSA People Power Revolution
Jerry Yap
February 22, 2016
Bulabugin
PAGLIPAS ng 30 taon saka nagkaroon ng realisasyon ang maraming Pinoy na umasang magbabago ang buhay matapos ang EDSA people power noong 1986.
Ang pakiramdam nila ay hindi simpleng pagkabigo kung hindi malalim na kabiguan.
Maraming mamamayan ang umasa noon na makakamtan nila ang buhay na may dignidad hindi miserable at lalong hindi aasa sa limos ng estado.
Inakala nila na pagkatapos ng EDSA, uprising man ‘yan o revolution, magkakaroon na sila ng regular na trabaho. ‘Yun bang hindi na kailangan makipagtagisan sa management para makamtan nila ang kung ano ang nararapat na para sa kanila.
Disenteng pabahay. ‘Yun bang kapag inilipat sila sa isang malayong probinsiya ay hindi magiging suliranin ang edukasyon, serbisyong pangkalusugan, transportasyon, tubig at pagkain.
Kumbaga, hindi kailangan maging mayaman para maramdaman nila ang dignidad na sila ay nabubuhay nang disente at marangal.
Ganoon lang kasimple ang mga pangarap ng mga lumahok sa EDSA people power para pabagsakin ang pasismo at diktadurya.
Pero kakatwa, na ang mga bida noon sa EDSA ay ilan sa mga haligi ng pasismo sa bansa.
Kaya magtataka pa ba tayo kung bigong-bigo ang mga nangarap na magbabago ang buhay ng maraming mahihirap na Pinoy pagkatapos ng EDSA?!
Ang EDSA uprising ay tagumpay ng OLIGARKIYA hindi ng masa.
Sino ba ang nagtamasa at nagkamal ng yaman pagkatapos ng EDSA?!
Ang naghati-hati at nakakuha ng shares sa iba’t ibang malalaking kompanya at GOCCs (government owned and controlled corporations).
Ilang GOCCs ba ang bumagsak at ibinenta sa pribado?
Noong wala pang EDSA people power, mataas ang suweldo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ibang bansa.
Pagkatapos ng EDSA people power, bumagsak ang maraming industriya sa bansa at ang mga OFW ay tila naging lima-singko ang trato sa ibang bansa.
Huwag kalimutan ang Kamaganak Inc., maging sports institutions ay hindi na pinakawalan ng mga kama-kamag-anak at uncle-uncle.
Ngayong araw, magsisimula ang selebrasyon ng EDSA people power revolution na siyempre pangungunahan ito ni Pangulong Benigno Aquino III.
Anak siya ni dating Pangulong Cory Aquino na iniluklok pagkatapos patalsikin si Marcos.
Ayon kay PNoy, ang ika-30- anibersaryo ng EDSA ay pangungunahan ng People Power Commission na katatampukan ng “experiential museum.”
Layunin umano ng experiential museum na iparanas sa Pinoy millennial generation ang bangungot ng Martial Law para mamuhi sa mga remnant nito.
Parang horror film o horror story, bubuhayin ang mga bampira, tiyanak, white lady, tikbalang, kapre at aswang para takutin ang ‘batang’ ayaw makinig na matulog tuwing tanghali.
Naniniwala kasi ang mga nasa likod ng People Power Commission na kaya umano may youth vote si Bongbong Marcos ay dahil hindi nila alam kung ano ang Martial Law.
Hindi ba’t katawa-tawa ang isang Aquino o kanyang mga kaalyado na nagsasalita nang ganito?! Malinaw na insulto ‘yan sa millennial generation.
Wala bang kakayahan ang millennial generation na mag-isip at magsuri kung ano ang tingin nila sa lipunan!?
Ang kasaysayan ba ng bansa ay tumigil pagkatapos ng EDSA people power?!
Nagpapatuloy ang kasaysayan.
Pero ang problema ng mga namuno after EDSA, gusto nilang burahin sa kasaysayan ang sinasabi nilang diktador. Binura nila sa textbook ang kasaysayan ng mga Marcos. Kulang na lang ay huwag siyang ilagay bilang presidente ng bansa.
E puwede bang putulin ang kasaysayan?
Ngayon ay nagkukumahog ang nasa likod ng people power commission para ipaalala ang kahapon?!
Hindi kaya sila mapagkamalang Alzheimer’s disease patient na nagkukuwento ng kasaysayan?!
Araykupo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com