MARIING nanawagan kahapon ang isang grupo ng broker na nakabase sa Bureau of Customs (BoC) kay Task Force Pantalan Chief Rene Almendras na aksiyonan ang sinabing pananakot at pangongotong ng ilang nagpapanggap na kanyang tauhan.
Nabatid na simula nang batikusin ng ilang mamamahayag ang ilang tauhan ng naturang task force, may dalawang buwan umanong tumigil ang operasyon sa panghuhuli.
Ngunit isang linggo na ang nakakaraan, muling naglunsad ng operasyon ang naturang grupo kahit walang “go signal.”
Napag-alaman sa mga broker na isang Kapitan na nagpapakilalang opisyal ng Manila Police District (MPD) at isang “alias Jun Kalabaw” na hindi naman deputized ng Task Force Patalan ang umano’y nanghuhuli ng illegal smuggling.
Modus operandi umano ng dalawa na takutin ang ilang broker sa BoC at kapag hindi nagbigay ng ‘lagay’ huhulihin ng Task Force Patalan.
Nabatid, sa bawat isang container van, ang hinihingi umanong ‘lagay’ ay nasa P5,000 hanggang P10,000.
Panawagan ng grupo ng mga broker kay Almendras, aksiyonan sa lalong madaling panahon ang umano’y pananakot at pangingikil ng mga nagpapanggap na miyembro ng Task Force Patalanan.
(JAJA GARCIA)